KIG

Lacson pinabulaanan pahayag na KIG di nadiskubre ni Cloma

162 Views

PINABULAANAN ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Martes ang pahayag ni Sen. Rodante Marcoleta na hindi umano nadiskubre ni Tomas Cloma ang Kalayaan Island Group sa West Philippine Sea.

Lumitaw ang usapin sa pagdinig ng Senate Committee on National Defense noong Martes, kung saan iginiit ni Marcoleta na hindi si Cloma ang nakadiskubre sa Kalayaan Islands.

Bilang tugon, sinabi ni Lacson na may tala sa opisyal na website ng Munisipalidad ng Kalayaan sa Palawan na naglalahad ng mga pangyayari kaugnay ng mga naging hakbang ni Cloma sa noo’y hindi pa tinatahang mga isla noong 1956.

“Merong hindi pa rin maka-move on kay Tomas Cloma. Kaya narito ang mga historical facts para matahimik na rin sa kanyang himlayan si Tomas Cloma,” ani Lacson.

Ayon kay Lacson, nakasaad sa naturang website na pormal na inangkin ni Cloma ang Kalayaan Islands noong Mayo 15, 1956 sa pamamagitan ng pag-isyu ng “Notice to the Whole World,” kung saan iginiit niya ang pagmamay-ari sa 33 tampok o bahagi ng Spratlys.

Dagdag pa niya, sumunod ang isang “Independence Claim” noong Hulyo 6, 1956 nang itatag ni Cloma ang isang hiwalay na pamahalaan para sa “Free Territory of Freedomland,” na may kabisera sa Flat Island (Patag Island).

Sinabi ni Lacson na nakasaad din sa parehong salaysay na pagsapit ng dekada 1970, isinuko ni Cloma ang kanyang claim sa pamahalaan ng Pilipinas kapalit ng halagang P1, na, ayon kay Lacson, naging bahagi ng batayan sa mga sumunod na hakbang ng gobyerno upang itatag ang Munisipalidad ng Kalayaan sa ilalim ng Presidential Decree No. 1596 noong 1978.

“This paved the way for President Ferdinand Marcos to officially establish the Municipality of Kalayaan under Presidential Decree No. 1596 in 1978,” ani Lacson.

“Geopolitical Impact: Cloma’s actions were heavily opposed by Taiwan (which occupied Itu Aba) and China. However, his claim provided a basis for the Philippines’ subsequent claim to the Kalayaan Island Group in the West Philippine Sea,” dagdag niya.