Calendar
Lacson sa mga senador: Dumalo sa special session
HINIMOK ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang lahat ng senador na dumalo sa inaasahang special session at pag-usapan sa plenaryo ang leadership dispute sa Senado, kasabay ng pagsasabing may mga nakabinbing panukala at usapin sa Commission on Appointments na kailangang aksiyunan ng kapulungan.
Sinabi ni Lacson na naghahanda ang majority bloc na pinamumunuan ni Senate President Pro Tempore at acting Senate President Sherwin Gatchalian para sa special session at napag-usapan na ang posibleng contingencies.
“Nakahanda kami sa mga contingencies in case mangyari yan na manggugulo siya. Meron kaming pinaguusapan, di ako at liberty to divulge. Pag nag-uusap kami sa majority bloc ngayon yan isa sa amin pinagusapan. Yan emphasize ko, huwag i-underestimate kasi capable ang tao na yan gumawa ng maski anong gulo. He doesn’t care about the institution, he only cares about himself,” sabi ni Lacson.
Aniya, dapat makilahok ang mga senador sa proceedings at ilahad sa plenaryo ang kanilang mga posisyon sa halip na sa social media.
“Huwag manggulo. Maging mga senador, makilahok. Tapos kung anong pinaglalaban, sa floor namin pag-usapan, huwag sa FB. Di namin siya madedebate sa FB. Ang puwede, magdebate kami sa plenaryo, hindi sa FB,” sabi ni Lacson.
Nananatiling hati ang Senado sa pagitan ng kampo ni Senate President Alan Peter Cayetano at ng bloc na kumikilala kay Gatchalian bilang acting Senate President.
Lalong lumalim ang leadership issue matapos ang session noong Hunyo 3, nang nakapagpatuloy ang Senado matapos makumpleto ang quorum. Nauwi ang session sa mga pagbabago sa liderato na kinuwestiyon ng kampo ni Cayetano.
Sinabi ni Lacson na dapat magbigay-daan ang special session upang matalakay ng Senado ang mga usaping naantala nang hindi makapagsagawa ng regular proceedings ang kapulungan mula Hunyo 1 hanggang 3.
Aniya, kabilang sa mga naapektuhan ng standoff ang mga nakabinbing panukala at usapin sa Commission on Appointments.
Binanggit din ni Lacson ang pahayag ni Senator Joel Villanueva, na nagsabing dadalo siya sa posibleng special session bilang bahagi ng kanyang tungkulin sa ilalim ng Konstitusyon.
“I just hope ibang kasama niya sa bloc ni Cayetano ay ganun din ang attitude,” sabi ni Lacson.
Nauna nang sinabi ni Villanueva na dadalo siya kung tatawag si President Ferdinand Marcos Jr. ng special session, ngunit nilinaw din niyang hindi dapat ituring ang kanyang pagdalo bilang pagpili ng panig sa leadership dispute.
Sinabi ni Lacson na umaasa siyang makatutulong ang special session upang makausad ang Senado at matalakay ang leadership issue sa pamamagitan ng official proceedings.

