Calendar
Kongresista: Kaganapan sa PH ‘squid tactics’
KINAKASANGKAPAN ng mga alipores ni Vice President Sara Z. Duterte ang mga kasalukuyang kaganapan sa bansa bilang “squid tactics” para sadyang ilihis ang atensyon ng publiko sa nakatakdang Senate impeachment trial laban sa kaniya, ayon kay Manila Rep. Joel R. Chua.
Nagpahayag ng pagdududa si Chua, Chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability, na mistulang may sinusundang pattern o ang mga kaalyado ni Duterte para tangkaing mawala ang atensyon ng mamamayan sa napipintong paglilitis sa Senado sa susunod na buwan.
Iginigiit ng solon na halatang-halata na ang mga pagtatangkang iantala o ibasura ng mga kaalyado ni Duterte ang proseso ng impeachment simula nang i-impeach ng Kamara de Representantes ang Bise Presidente at mai-akyat sa Senado ang kaso.
“Sa tingin ko po, right from the very beginning, ‘yan naman talaga ang kanilang strategy,” paliwanag ni Chua.
Iginigiit pa ng kongresista na dapat magpatuloy ang proseso ng impeachment ng walang pagkaantala na binabanggit ang itinakda ng Konstitusyon na dapat ituloy ng Senado ang pagdinig kapag natanggap na nito ang Articles of Impeachment.
Tinukoy ni Chua ang serye ng mga kaganapan na sumabay sa mga mahahalagang bahagi ng proseso ng impeachment at sinabing tila sinadya ang tiyempo ng mga ito upang ilihis ang pansin ng publiko mula sa kaso.
“Kung titingnan po ninyo ang pagkakasunod-sunod ng pagkakataon, nung araw po na kami ay bomoboto sa plenaryo para dito po sa impeachment, ‘yun din ‘yung araw kung saan nagkagulo po ang leadership ng Senado,” wika ng mammambabata.
“Yung araw naman po na ita-transmit po ‘yung Articles of Impeachment sa Senado, ‘yun din yung araw kung saan nagkaroon ng barilan sa Senado,” dagdag pa nito.
Bagama’t hindi direktang nag-akusa ng anumang koordinasyon, sinabi ni Chua na ang tiyempo ng mga insidente ay nagdulot ng mga espekulasyon sa ilang mga nagmamasid.

