Lacson

Papel ng suspendidong senador sa trial dapat talakayin ng maaga — Lacson

55 Views

SINABI ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na dapat pag-aralan ng Senado kung paano pa rin makagaganap bilang senator-judges sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang mga senador na maaaring makulong o mapasailalim sa preventive suspension kaugnay ng flood-control scandal.

Ayon kay Lacson, dapat talakayin nang maaga ang usapin sakaling may ilang senador na hindi makalahok sa impeachment proceedings habang kailangan pa rin ng Senado ang sapat na bilang ng boto upang makabuo ng hatol.

“Isang dapat pag-aralan din, although sa Impeachment Court ang composition is the same as the composition of the Senate, subject sa interpretation ito if it comes to that – dahil kung separate entity ang Impeachment Court and Senate, baka pwedeng hindi kasama ang kanilang suspension sa pagganap sa kanilang tungkulin as Senator Judge,” sabi ni Lacson.

Aniya, maaaring maging mahalaga ang usapin kung may ilang senador na makulong o mapasailalim sa preventive suspension kaugnay ng flood-control investigation.

“Paano kung nakulong siyam at naiwan sa Senate 15? Paano magkaroon ng maliwanag na decision to convict or acquit? Ibig sabihin ba noon automatically acquitted dahil 15 lang ang bumoto? Sa akin hindi,” sabi ni Lacson.

Sinabi ni Lacson na dapat igalang ang anumang kautusan ng hukuman, ngunit maaari umanong pag-aralan ng Senado ang mga posibleng remedyo para sa impeachment trial.

“Kung may suspension, tatalima kami sa korte. Pero baka pwede kaming paalam for purpose of the impeachment trial, baka pwede i-stay ang suspension or interpret na suspended sila as senators ang pagganap nila ng legislative function pero hindi kasama ang suspension sa pagganap nila bilang senator judges. Otherwise it’s going to be a crisis. Walang impeachment na magaganap kasi foregone na ang decision na di ma-convict dahil 15 maiwan na senator judges for that matter,” sabi niya.

Sinabi ni Lacson na isang posibleng kaayusan, kung papayagan ng hukuman, ay ang pagdalo ng mga nakadetineng senador sa impeachment trial sa ilalim ng escort ng Bureau of Jail Management and Penology personnel.

Isa pang opsyon, aniya, ay ipagpaliban ang trial hanggang matapos ang 90-day preventive suspension ng sinumang apektadong senador.

“Maganda ang discussion natin kasi these are within the realm of possibility. Di imposible kasi pwede mangyari yan, kaya mabuti discuss natin ito para legal eagles, pwedeng magsagawa ng pag-aaral sa ngayon pa lang in the event maganap ang ganyang scenario,” sabi ni Lacson.

Dumating ang mungkahi habang naghahanda ang Senado para sa impeachment trial ni Duterte, kung saan itinataas ang mga tanong tungkol sa attendance, bilang at papel ng senator-judges sa gitna ng flood-control controversy.

Itinanggi rin ni Lacson ang mga pahiwatig na maaaring subukan ng Senate majority na ibaba ang bilang ng boto na kailangan upang ma-convict o ma-acquit si Duterte.

Sinabi niyang dapat sundin ang Konstitusyon at kailangan ang boto ng dalawang-katlo ng lahat ng miyembro ng Senado, o 16 senator-judges, upang magkaroon ng conviction.

“I can only speak for myself and I think some of my colleagues sa majority bloc, ganun din ang takbo ng isipan na mag-stick tayo first and foremost sa Constitution. Pag sinabing 16, 2/3 ng 24, 16. Hindi pwedeng bawasan yan,” sabi ni Lacson.