Lacson uusisain gastos sa high-profile patients sa PNP hospital

25 Views

SINABI ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na uusisain niya ang Philippine National Police at Department of the Interior and Local Government kung sino ang maaaring tanggapin sa PNP General Hospital at kung sino ang sumasagot sa gastusin kapag ang pasyente ay hindi miyembro o dependent ng PNP.

Ihahain niya ang usapin sa pagtalakay sa panukalang 2027 budget ng PNP at DILG, kasunod ng pagpapa-confine kina dating Public Works Secretary Manuel Bonoan at Sen. Rodante Marcoleta habang nahaharap sila sa mga kaso sa Sandiganbayan.

“Isang issue diyan, ang PNP-GH may sariling pondo. Ang authorized diyan ma-confine, ang pagkaalam ko kasi dating Chief PNP ako, mismong member ng PNP o dependent.

Pero sino ang magsho-shoulder ng gamot at ward o ng kwarto ni Bonoan at Marcoleta? Ang pagkaalam ko, hindi naman dependent si Bonoan, hindi dependent ng PNP si Sen. Marcoleta,” ani Lacson.

May sariling pondo mula sa buwis ng mamamayan ang PNP General Hospital at inilaan ito para sa mga pulis at kanilang mga dependent.

“At may PNP member na nade-deny ng space sa PNP-GH. Minsan din nabibigyan ng kwarto pero bakit ang hindi dependent nandoon, sino gumastos doon?” aniya.

Dapat linawin ng PNP at DILG ang mga patakaran sa pagtanggap ng pasyente at pagbabayad sa gamot, kuwarto at iba pang gastusin kapag ang naka-confine ay hindi miyembro o dependent ng PNP.

Pinuna rin ni Lacson ang aniya’y paulit-ulit na pattern ng pagkaospital ng mga kilalang personalidad matapos patawan ng contempt ng Senado o habang nahaharap sa pag-aresto dahil sa mga kasong kriminal.

“Since time immemorial, ganyan lagi nangyayari pag may pina-contempt kami sa Senado ang bagsak lagi sa ospital,” aniya.

Ipinaabot din sa kanya ng mga ordinaryong mamamayan ang naturang usapin, dahilan upang mag-post siya sa X noong Hulyo 8 ng: “Warning: Bawal magkasakit. Mahal ang gamot. Bawal magka-‘warrant’. Baka magkasakit.”

“May pulmonya, may mataas ang blood pressure, mataas ang cholesterol, kung ano-ano masakit. Nagkakaroon ng brace sa leeg, tapos masakit ang likod. Ang sakit naglalabasan. Parang kasabay ng paglabas ng arrest warrant, lumalabas ang sakit,” ani Lacson.

Tinukoy din niya ang yumaong dating senador Juan Ponce Enrile, na na-confine sa PNP General Hospital habang nahaharap sa mga kasong may kaugnayan sa pork barrel controversy.