Rep. Robert Ace

Prosekusyon nakatutok pa rin sa paglalahad ng mga ebidensiya — Barbers

Mar Rodriguez Jul 12, 2026
30 Views

BINIGYANG DIIN ni House prosecution spokesperson at dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace S. Barbers na hindi nadidiskaril ang “legal strategies” ng prosekusyon sa halip ay nananatiling nakatutok at nakatuon ang kanilang atensiyon sa paglalahad ng mga ebidensiya sa impeachment trial ng respondent na si Vice President Sara Z. Duterte.

Ipinaliwanag ni Barbers, dating Chairman ng House Quadropole Committee, na hindi natitinag at mas lalong hindi naaapektuhan ang estratehiyang legal ng House prosecution sa kabila ng aniya’y mga pagtatangka ng ilang Die Hard Duterte Supporters (DDS) na ilihis ang atensyon ng publiko mula sa mga isyung dinidinig ng Senate impeachment court.

Ang naging pahayag ni Barbers ay bilang tugon nito sa tanong kung paano nila planong mahikayat ang publiko sa panahong magkakaiba ang interpretasyon ng mga tao sa iisang pangyayari.

Sinabi ni Barbers na hindi tungkulin ng prosekusyon ang makipagtagisan ng mga naratibo, kundi ang maayos na iharap at patibayin ang kanilang mga ebidensiya.

“Ang para sa amin ho, doon tayo nakatutok sa ebidensya, ilatag itong ebidensya, i-substantiate itong ebidensya, patibayin ang ebidensya nang sa gayon mabasa ng ating mga senator-judges at ng ating mga kababayan kung ano ’yung kahalagahan at importansya nitong mga ebidensya na ito,” ang pahayag ni Barbers.

Isiniwalat ni Barbers na may mga pagtatangkang ilihis ang atensyon ng publiko mula sa itinuturing niyang pangunahing mga isyu sa impeachment trial.

“Makikita mo na may nagsusubo ng mga impormasyon para mailihis ang focus doon sa totoong katotohanan,” sabi ni Barbers.

Iginiit ng dating kongresista na magpapatuloy ang prosekusyon sa paghaharap ng kapani-paniwalang mga ebidensiya sa Senate impeachment court sa halip na magpaapekto sa magkakasalungat na naratibo.

Naniniwala ang prosekusyon, ayon pa kay Barbers, na malaki ang naging progreso nito sa unang linggo ng paglilitis matapos pormal na maiharap ang mga ebidensiyang sumusuporta sa Article IV ng Articles of Impeachment.

Ang unang saksi ng prosekusyon, si National Bureau of Investigation (NBI) Senior Agent John Mark Calilung ang nagpatunay sa pagiging tunay ng mga video recording na sentro ng reklamong impeachment, kung saan inaakusahan si Duterte ng “grave threats at inciting to sedition” kaugnay ng kanyang livestream noong Nobyembre 23, 2024.

Sinabi pa ni Barbers na ang testimonya ni Calilung ang nagsilbing pundasyon ng ebidensiya ng prosekusyon, habang inaasahan namang ipaliliwanag pa ng mga susunod na saksi ang mga na-authenticate na video at ihaharap ang mga naging resulta ng imbestigasyon ng NBI.

To God be the 𝗚𝗹𝗼𝗿𝘆