Calendar
Lacuna tagilid na kay Lopez!
Lacuna, Lopez, ‘statistically tied’ sa unang puwesto
HINDI na ‘walk-in-the-park’ para kay Manila Vice Mayor Ma. Shielah ‘Honey’ Lacuna-Pangan, ang eleksyon sa susunod na alkalde ng lungsod matapos lumabas sa pinakabagong survey na “tabla” na sila sa puwesto ni Atty. Alex Lopez, higit dalawang buwan bago ang halalan sa Mayo 9, 2022.
Batay sa isinagawang ‘Rapid Voters’ Preference Survey’ ng ‘Issues and Advocacy Center’ (The Center) sa buong 6 na distrito ng Maynila mula Pebrero 11 hanggang Pebrero 15, ‘statistically tied’ na sa unang puwesto sina Lacuna at Lopez. Ang survey ay nilahukan ng 1,200 botante ng lungsod,
Ang mga respondents ay sumagot sa tanong na, ‘Kung ngayon gagawin ang halalan, sino sa mga kandidato para sa mayor ng Maynila ang iboboto ninyo?’
Bagaman nagtala ng 43 porsiyento si Lacuna, kumuha naman ng 41.58 porsiyento si Lopez.
“Given the +/- 2 margin of error of the survey data, the two-leading candidates are actually in a statistical tie with less than 1.5 percent separating VM Lacuna from Lopez,” ayon pa sa ulat ng The Center.
Nasa malayong ikatlong puwesto naman si District 5 Rep. Amado Bagatsing sa 12.25 porsiyento at nasa hulihan si retired police general, Elmer Jamias na nagtala ng 3.16 porsiyento.
Ayon pa sa pahayag ng The Center, itinuturing ng mga respondents na “natapos” na ang panahon ni Bagatsing sa pulitika habang hindi naman kilala ng karamihan sa mga Manilenyo si Jamias.
Malaking bagay din, ayon pa sa The Center, ang ginawang pag-endorso ng BBM-Sara UniTeam sa kandidatura ni Lopez sa napipintong pag-ungos nito bilang pangunahing kandidatong alkalde ng Maynila.
Si Lopez ang opisyal na kandidato ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP), ang partido ni dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong/BBM Marcos Jr., at nasa likod ng matagumpay ng ‘Manila Caravan’ ng buong UniTeam sa Maynila noong Pebrero 20, 2022, kung saan humugos sa kalsada ang mga Manilenyo upang ipakita ang kanilan suporta sa BBM-Sara tandem at kay Lopez.
Ayon pa rin sa The Center, nakabatay naman sa popularidad ni Manila mayor Isko Moreno ang suporta ng mga Manilenyo kay Lacuna, at hindi sa personal niyang kuwalipaksyon bilang kandidato.
“Enumerators also found out that…the sample population…get their information on who to vote for from Mayor Isko Moreno, which in turn is reflected in their choice for Lacuna,” anang ulat ng The Center.
Batay pa rin sa resulta, “lamang” si Lacuna sa District 1 (120 votes Lacuna; 71 votes, Lopez) at District 2 (102 vs. 46) habang nakaungos naman si Lopez sa District 3 (119 votes Lopez vs. 51 votes Lacuna) at District 4 (129 vs. 99).
“Dikit” naman ang laban ni Lacuna at Lopez sa District 6 (104 votes, Lacuna; 95 votes Lopez), habang kahit sa District 5 na “balwarte ni Bagatsing ay nakaungos si Lopez sa kanyang mga kalaban (42 Lopez; 35, Bagatsing; 40 Lacuna; at, 15, Jamias).
Lumabas pa rin sa survey na 41.5 porsiyento ng mga Manilenyo ay nagbabatay ng kanilang pananaw sa social media at 21.33 ay sa mainstream media, katulad ng radyo, pahayagan at telebisyon.
Nasa 17 porsiyento naman ang nagbabatay ng kanilang suporta sa kanilang personal na relasyon sa mga kandidato.
Ikinatuwa naman ni Lopez ang resulta ng survey ng The Center na aniya pa ay katulad ng mga naunang survey kung saan ipinakitang naungusan pa nga niya si Lacuna.
Sa resulta ng ‘street survey’ ng ‘OOMCM’ (Original Mata ng Manila for Charity Media) mula Enero 2 hanggang Enero 14, 2022, 58 porsiyento ng mga Manilenyo ang nagsabi na si Lopez ang iboboto nilang mayor habang 29 porsiyento lang ang boboto kay Lacuna.
“Ipinapakita ng mga survey na sadyang gusto na ng mga Manilenyo ng totoong pagbabago at tunay na liderato na gagabay sa kanila sa panahong lugmok ang buong bansa sa kahirapan, kawalan ng kabuhayan at kawalan ng pag-asa dahil sa patuloy na hagupit ng pandemya.
“Naririnig ko ang kanilang hinaing at nararamdaman ang kanilang paghihirap sa panahong ito. Umasa sila na hindi ko sila bibiguin.
“Ilang buwan na lang ang ating ipaghihintay at sama-sama nating iaangat, ibabangon, ang Maynila,” pahayag pa ni Lopez.