Lady Bulldogs Nagbunyi si libero Roma Mae Doromal makaraang manatili sa Ateneo sa kontensiyon para sa nalalabing UAAP women’s volleyball Final Four slot. UAAP photo

Lady Bulldogs hindi maawat sa UAAP volleyball

Theodore Jurado Jun 16, 2022
395 Views

NAIPAGPAG ng National University ang mahirap na second set upang igupo ang University of Santo Tomas, 25-22, 29-27, 25-17 upang dumeretso agad sa Finals ng UAAP women’s volleyball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena.

Matapos makuha ng Lady Bulldogs ang ika-siyam na straight-set victory ng season sa pamamagitan ng kill ni Cess Robles, isinelebra ng Bustillos-based spikers ang kanilang perfect 14-0 elimination round season, na siyang nagpalapit sa kanila sa dalawang panalo tungo sa pagwawakas ng 65-taong title drought.

Ang NU, na ang core ay binubuo ng manlalaro mula sa matagumpay nilang high school program, ang naging ikaapat na koponan matapos ng La Salle (2004, 2013-14) at Ateneo (2014-15) sa Final Four era na makakumpleto ng 14-match elims sweep.

Maliban sa 2013-14 Lady Spikers squad na natalo sa Blue Eagles sa kabila ng thrice-to-beat advantage, na siyang ginagamit ng liga bilang insentibo sa pagkamit ng perfect elims campaign, lahat sila ay nagkampeon.

“Sobrang saya at thankful sa players,” said Lady Bulldogs mentor Karl Dimaculangan.

Nanguna si Robles para sa NU na may 13 points, kabilang ang dalawang blocks, Mhicaela Belen na may 12 points, 21 receptions at 11 digs, habang umiskor rin si Alyssa Solomon ng 12 kills.

Nagagalak si libero Jen Nierva, na kumulekta ng 13 digs at 21 receptions, sa ipinamalas na katatagan ng Lady Bulldogs sa 40-minute second set, kung saan kumana ng go-ahead service ace si Camilla Lamina upang basagin ang 27-27 tie na sinundan ng kill ni Sheena Toring.

“I just enjoyed the game. Focus lang,” sabi ni Nierva.

Samantala, umiskor si Trisha Genesis ng 20 points habang nagdagdag si Lucille Almonte ng 14 points at 20 receptions nang makaiwas ang Adamson sa maagang pagkakasibak sa pamamagitan ng 25-23, 17-25, 25-16, 26-24 panalo kontra sa La Salle.

Sa kabila ng pagkatalo, ang pang-apat sa 14 laro, nakuha ng Lady Spikers ang twice-to-beat incentive sa step-ladder stage sa bisa ng pagkatalo ng Tigresses sa Lady Bulldogs.

Tinapos ng UST, na nakakuha ng 13 points, 11 receptions at walong digs mula kay Eya Laure, ang elims bilang third-ranked team na may 9-5 record.

“We worked hard lang talaga, ang bilin namin sa mga players kanina talagang trabahuhin lang namin bawat puntos,” sabi ni coach Lerma Giron makaraang wakasan ng Lady Falcons ang elims na may 8-6 marka.

“Talagang bawat bola, pag trabahuhan. Kung anuman ang resulta, si God na ang bahala basta gawin lang nila yung responsibilidad nila,” aniya.

Haharapin ng Adamson ang titleholder Ateneo, na tinalo ang also-ran University of the Philippines, 19-25, 25-11, 25-18, 25-19, sa huling elimination round match upang maipuwersa ang playoff para sa huling Final Four sa alas-5 ng hapon bukas,

Nanguna si Faith Nisperos para sa Blue Eagles na may 19 points, habang nagtala si AC Miner ng walong blocks para sa 17-point outing.

“Actually we’re watching the Adamson-La Salle game but wala, no reaction yung mga players e,” sabi ni Ateneo coach Oliver Almadro.

“Naka-focus kami sa UP game muna, yun muna ang pinag usapan namin. One game at a time, if it’s for us. What’s important is we did our job, now natapos kami sa UP we’ll be preparing for Adamson.”