Volleyball Maaksyong tagpo sa sagupaan ng San Sebastian Lady Stags at Perpetual Help Lady Altas sa NCAA Season 97 women’s volleyball tournament sa Paco Arena. Photo by Dennis Abrina

Lady Stags lusot sa Lady Altas

Theodore Jurado Jun 27, 2022
281 Views

NAUNGUSAN ng San Sebastian ang University of Perpetual Help System Dalta, 24-26, 26-28, 25-20, 25-20, 17-15, upang makisosyo sa ikalawang puwesto kahapon sa NCAA women’s volleyball tournament sa Paco Arena.

Ibinagsak ni Kat Santos ang go-ahead kill laban sa dalawang blockers upang makarating ang Lady Stags sa match point bago naisara ni Hannah Suico ang dalawang oras at 21 minutong laro sa isang attack error.

Sa kanilang ikaapat na panalo sa limang laro, tumabla ang San Sebastian sa titleholder Arellano University upang makadikit sa wala pang talong College of Saint Benilde sa 4-0.

Bumira si Reyann Cañete ng career-high 25 points, kabilang ang limang service aces, bukod sa 14 receptions upang pamunuan ang Lady Stags. Nagdagdag si Santos ng 18 points, habang umiskor sina Kristine Dionisio, Kamille Tan at Bianca Ordona ng tig-10 points.

Sa duelo ng wala pang panalong koponan, nagpakawala si Trisha Paras ng 15 kills habang nag-ambag si Max Tayag ng 14 points, kabilang ang dalawang two blocks, nang talunin ng San Beda ang Emilio Aguinaldo College, 17-25, 27-25, 25-23, 25-23, upang tuldukan ang four-match losing skid.

Umaasa si coach Roger Gorayeb na maging mature ang San Sebastian sa loob ng court upang makapuwesto sa Final Four.

“Diyan kasi lumalabas yung immaturity sa laro kasi katulad nito ni Kat (Santos), first year. Takot na takot kasi hindi siya sanay sa ganyang labanan,” sabi ni Gorayeb,

Nagsalansan si Mary Rhose Dapol ng 18 points, naipagpag naman ni Razel Aldea ang ankle sprain sa third set upang tumapos na may 14 points, kabilang ang anim na blocks for a 14-point outing habang nagdagdag si Charmaine Ocado ng 11 points at 11 digs para sa Lady Altas.

Nahulog ang Perpetual sa 2-3 kartada kasama ng walang larong Jose Rizal University sa pang-anim.

Nanatili naman ang Lady Generals, na nagwagi na rin ng set, sa ilalim ng standings sa 0-5.