Calendar

Lahat ng diplomatiko sa Iran mananatili – DFA
MAYNILA – Mananatili sa Iran ang lahat ng Pilipinong diplomatiko sa Embahada ng Pilipinas sa Tehran upang patuloy na subaybayan at tulungan ang mga Pilipino roon, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Sabado.
Ibinahagi ni DFA Undersecretary Eduardo Jose De Vega ang update sa Saturday News Forum sa Quezon City matapos niyang sabihin na may plano dati na isama ang ilang non-essential personnel sa unang batch ng mga Pilipinong ililikas kaugnay ng sigalot sa pagitan ng Israel at Iran.
Sa kasalukuyan, may siyam na diplomatiko sa embahada, kabilang si Philippine Ambassador Robert Manalo.
Ayon kay De Vega, sinabi ni Manalo na hindi maaaring alisin kahit isa sa kanila dahil lahat ay “essential” upang mapanatili ang operasyon ng maliit na embahada.
“Hindi nila kayang alisin kahit isa. Pauuwiin nila ang kanilang mga asawa, ang kanilang mga dependent, puwede silang umuwi,” ani De Vega.
“Ngayon, nananatili sila sa embahada. Ito ang pinasok natin,” dagdag pa niya.
Kasalukuyang pinag-aaralan ng embahada ang mga opsyon para mailikas ang mga Pilipino palabas ng Iran, kabilang ang pagbiyahe sa mga karatig-bansa gaya ng Turkmenistan.
Ayon sa DFA, karamihan sa tinatayang 1,200 Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho sa Iran ay may asawang Iranian, habang higit sa isang dosena lamang ang mga manggagawa.
Mula sa kabuuang bilang, siyam ang humiling na mapauwi, ayon kay DFA Assistant Secretary Robert Ferrer.
“Lahat ng ligtas na border exit mula sa Iran ay kino-consider natin. Ang Tehran ngayon ay halos ghost town na. Marami nang umalis, kabilang ang mga Pilipino,” ani Ferrer.
“Ang natira na lang ay ang embahada, kaya bukas pa rin sila,” dagdag niya, at binanggit na ang Philippine mission ay isa sa iilang foreign service posts na nananatiling bukas sa Iranian capital.
Tungkol naman sa evacuation ng mga dependent ng mga diplomatiko, sinabi ni Ferrer na naghihintay pa sila ng kautusan at mag-a-anunsyo lamang kapag sigurado na ang plano.
“Plano pa lang siya pero mag-a-anunsyo kami kapag may seguridad na ang plano. Wala sa mga diplomatiko ang pauuwiin. Lahat ng staff ay essential ayon kay Ambassador Robert,” aniya.
Boluntaryong Paglikas
Itinaas na ang Alert Level 3 o voluntary repatriation sa Israel at Iran.
Ayon kay Ferrer, hindi pa inirerekomenda ng mga Embahada ng Pilipinas sa Tel Aviv at Tehran na itaas ito sa pinakamataas na antas o mandatory repatriation.
“Maraming maling impormasyon na kumakalat at nanggagaling ito sa Maynila, hindi sa Tel Aviv. Kung tatanungin mo ang karamihan ng mga Pilipino sa Tel Aviv, kalmado sila, ayaw nilang umuwi, may tiwala sila sa sistema ng Israel para protektahan at alagaan sila,” aniya.
Sa kasalukuyan, hindi bababa sa 191 mula sa higit 30,000 Pilipino sa Israel ang humiling ng repatriation.
Sinabi ni De Vega na ang unang batch na binubuo ng 26 Pilipino ay inaasahang makakauwi sa Pilipinas sa susunod na linggo. Philippine News Agency