Sara Duterte

Lahat ng senior citizen dapat may pensyon mula sa gobyerno — Mayor Inday

292 Views

NANAWAGAN si vice presidential candidate Sara Duterte sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na repasuhin ang programa nito kaugnay ng pagbibigay ng pensyon sa mga senior citizen.

“Kailangan po natin kausapin ang DSWD at ipa-intindi sa kanila na kailangan nating ulitin ang sistema ng pagbibigay ng pension para lahat ng ating mga senior citizens ay nabibigyan ng tulong galing sa DSWD,” sabi ni Duterte na nakipag-usap sa mga senior citizen sa Subic, Zambales.

Ipinunto ni Duterte na bagamat mayroong mga senior citizen na may natatanggap mula sa Social Security System (SSS) o Government Service Insurance System (GSIS) madalas ay kulang pa rin ito sa kanilang pangangailangan.

“Sabi ko, ‘Mam, sa sobrang hirap po ng buhay ngayon, kahit may pension po yan ng SSS at GSIS, napupunta lang po yan sa utang, sa mga gastusin sa pang-araw-araw. Wala na pong napupunta sa kanila kung ano yong gusto nila na gamitan o bilhin sa kanilang pera’,” kuwento ni Duterte kaugnay ng kanyang pakikipag-usap sa isang opisyal ng DSWD.

Ayon kay Duterte maraming senior citizen ang nagrereklamo dahil hindi sila kasali sa binibigyan ng pensyon ng DSWD bukod pa sa hindi ito dumarating sa oras.

Sinabi ni Duterte na sa Davao City ay nagpasa ng ordinansa ang lokal na pamahalaan upang mabigyan ng pensyon ang mga walang natatanggap mula sa DSWD.

Dahil sa limitadong pondo ay una umanong isinama ng Davao City government ang mga edad 65 pataas na walang nakukuha sa DSWD.

“Gumawa kami ng ordinansa na lahat ng senior citizen, 65 and above ang inuna namin pero sa susunod na mga taon ibaba na namin sa 60 — lahat po sila binibigyan namin ng pension,” dagdag pa ng alkalde ng lungsod ng Davao.

Nagpasalamat naman ang 81-anyos na si Lucita Enalobo, residente ng Barangay Calapandayan sa pag-intindi ni Duterte sa kanilang mga hinaing.

Ayon kay Enalobo bagamat mayroon siyang natatanggap na P2,000 buwanang pensyon kulang ito dahil kailangan niyang bumili ng gamot para sa kanyang sakit sa bato.

“Masaya kami dahil magkakaroon na ng pension lahat at pantay-pantay,” sabi ni Enabolo.