Baril Source: FB file photo

Lalaki binaril habang naglalakad sa Makati, patay

Edd Reyes Sep 12, 2024
22 Views

PINATAY matapos pagnakawan ng magka-angkas sa motorsiklo ang hindi pa nakikilalang biktima noong Miyerkules sa Makati City.

Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Leon Victor Rosete, inaalam pa ang pagkakakilanlan sa biktima na nasa pagitan ng 25 hanggang 35-taong gulang, naka puting t-shirt, itim na pantalon, maputi, may tattoo sa halos buong katawan at may apat na tama ng bala sa ulo at katawan.

Lumabas sa pagsisiyasat na naglalakad ang biktima na may bitbit na clutch bag sa madilim na bahagi ng Kalayaan Avenue dakong alas-10:22 ng gabi nang sundan ng mga suspek na nag-counterflow at pinagbabaril ang biktima pagsapit sa kanto ng N. Garcia St., Brgy. Bel Air.

Naisugod pa ng mga tauhan ng Makati Life Rescuers ang biktima sa Makati Medical Center pero patay na nang idating sa ospital.

Tatlong basyo ng kalibre .9mm pistol ang nakuha ng mga pulis sa lugar ng krimen.