Calendar
Source: NCRPO
Lalaki binaril sa ulo habang nakatayo sa kalsada, dedbol
BINARIL ng malapitan sa ulo ng hindi pa kilalang salarin ang isang lalaki habang nakatayo sa gilid ng kalsada Lunes ng gabi sa Caloocan City.
Dedo kaagad ang biktimang si alyas “Johny” sanhi ng tinamong tama ng bala sa likurang bahagi ng ulo habang tumakas kaagad ang salarin, sakay ng kanyang asul na e-bike, patungo sa gawi ng Malabon-Letre.
Sa nakarating na ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, alas-7:40 ng gabi nang marinig ng 60-anyos na testigo ang isang putok ng baril sa labas ng kanilang bahay sa Buklod ng Nayon St., Sangandaan, Brgy. 8 at nang lumabas siya, nakita niya ang nakabulagtang biktima na naliligo na sa sariling dugo.
Nang rebisahin ng testigo ang kanilang CCTV sa labas ng bahay, nakita rito ang pagdating ng suspek na nakasuot ng itim na jacket, nakasombrero, at short pants na bumaba sa kanyang e-bike bago nilapitan ang nakatalikod na biktima at malapitang binaril sa ulo.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang pulisya upang makilala at madakip ang suspek habang inaalam pa ang motibo sa pamamaslang.
