Kulong

Lalaki diretso sa selda dahil sa dalang granada

Edd Reyes Sep 5, 2024
37 Views

DIRETSO sa selda ang 27-anyos na lalaki nang matiklo dahil sa pag-iingat ng baril at granada noong Miyerkules sa Caloocan City.

Ayon kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, isinagawa ang operasyon ng mga pulis sa bisa ng search warrant ni Caloocan Regional Trial Court (RTC) Executive Judge Raymundo G. Vallega ng Branch 130 matapos makumpirma ang pag-iingat ng .38 revolver at apat na bala ng suspek.

Sinabi ni BGen. Gapas na bukod sa paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, sasampahan din ang suspek na si alyas Jay ng paglabag sa RA 9516 o Illegal Possession of Explosive sa Caloocan City Prosecutor’s Office.

Akala ng mga pulis sa pangunguna ni P/Lt. Arnel Cristobal, deputy commander ng Police Sub-Station 1, na baril lang ang makukuha nang pasukin ang bahay ni alyas Jay sa Blk. 15, Pamasawata St., Brgy. 28, dakong alas-4:30 ng hapon.

Bukod sa baril na nakumpiska, bumigat ang kaso ng suspek nang makuha pa ang MK2 fragmentation grenade sa kanyang pag-iingat.