Patay

Lalaki hinataw ng kahoy sa ulo sa palengke, dedo

324 Views

PATAY ang isang lalaki matapos hatawin ng kahoy ng kanyang naka-alitan lamang sa isang container sa loob ng isang palengke sa Quezon City.

Sa naantalang ulat sa Talipapa Police Station (PS 3) ng Quezon City Police District (QCPD), alas-11:51 ng hapon nitong Linggo (December 14), nang ireport sa kanila ang nangyaring krimen noong Lunes (December 8 sa palengke sa De Jesus St.., Brgy. Baesa, sa lungsod.

Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl Meliton Abogadie ng PS-3, nakitang pinagtatalunan ng biktima at suspek ang isang container.

Pagkaraan nito, umalis ang suspek ngunit kalaunan ay bumalik na may hawak na isang piraso ng kahoy at muling hinarap ang biktima saka pinalo sa ulo.

Bagamat nakatumba na ang biktima na duguan ang ulo, hindi pa nakuntento ang suspek at paulit-ulit na hinampas pa nito ang una saka tumakas.

Nagawa pang pumunta mag-isa ng biktima sa Quezon City General Hospital (QCGH) subalit binawian din ito ng buhay alas 11:52 noong Disyembre 8.

Noong Disyembre 9, nakita umano ng kapatid ng biktima, ang isang post sa Facebook mula sa QCGH na isang lalaking namatay ang hindi pa nake-claim ng pamilya.

Agad siyang nagtungo sa nasabing ospital at doon lamang niya nalaman na ang namatay ay ang kaniyang kapatid na ilang araw nang hindi umuuwi sa kanilang tahanan.

Nitong Linggo, Disyembre 14, kusang sumuko ang suspek sa PS-3, QCPD, sa tulong ng mga opisyal ng Brgy. Baesa.