Calendar
SOURCE: Larawan mula sa CIDG
Lalaki huli sa pagbebenta ng pampalaglag sa group chat
ARESTADO ang isang 30-anyos na lalaki matapos maaktuhan sa umano’y pagbebenta at paghahatid ng mga hindi rehistradong gamot na pinaniniwalaang ginagamit sa aborsyon sa isang buy-bust operation sa Quezon City noong Abril 30.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Mar,” residente ng Manila, na nadakip bandang alas-8 ng gabi sa kahabaan ng 18th Avenue, Barangay San Roque, Cubao sa operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Ayon sa imbestigasyon, nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ng tip ang awtoridad hinggil sa isang Messenger group na umano’y ginagamit sa pag-uusap at bentahan ng mga gamot kaugnay ng aborsyon. Matapos ang beripikasyon, ikinasa ang buy-bust at nahuli ang suspek habang idinideliber umano ang inorder na mga gamot sa poseur-buyer.
Narekober mula sa suspek ang anim na tableta ng Prosotec (Misoprostol 200 mcg), apat na tableta ng Medione (Menadione Sodium 10 mg), at anim pang hindi matukoy na puting tableta na walang label.
Ayon sa CIDG, walang maipakitang awtorisasyon ang suspek mula sa Food and Drug Administration para magbenta o mamahagi ng naturang mga health products. Paglabag ito sa Republic Act No. 9711 na nagbabawal sa bentahan at distribusyon ng mga produktong pangkalusugan na walang rehistro at pahintulot mula sa FDA.
Patuloy naman ang mas malalim na imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy kung may iba pang sangkot sa online bentahan ng mga ilegal at hindi rehistradong gamot.
