Lalaki patay, 25 pamilya nawalan ng bahay sa sunog sa QC

96 Views

PATAY ang isang 52-anyos na lalaki matapos umanong ma-suffocate sa isang sunog na sumiklab nitong Miyerkules ng madaling-araw sa Quezon City.

Aabot naman sa 25 pamilya ang nawalan ng bahay matapos tupukin ng apoy ang nasa 15 kabahayan sa Barangay Pasong Putik, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).

Sa ulat, sumiklab ang sunog dakong ala-1 ng madaling-araw at umabot sa ikatlong alarma bago tuluyang naapula alas-3:13 ng umaga.

Ayon sa mga awtoridad, bigla na lamang bumagsak ang biktima habang tumutulong sa pag-apula ng apoy. Agad itong isinugod sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Sinabi ni Fire Inspector Ericson Guila na nahirapan ang mga bumbero sa pagresponde dahil makitid na ang daan, may mga sasakyan pang naka-double parking.

“Yung papunta rito sa sunog ay makitid talaga tapos may mga double parking pa,” ani Guila sa panayam.

Patuloy namang iniimbestigahan ng mga arson probers ang sanhi ng sunog.