Calendar
Secretary dinampot sa pagnenok ng Omega, Cartier, Tiffany gamit ng amo
ARESTADO ang isang babaeng empleyado ng law office matapos umanong tangayin ang mahigit ₱1.5 milyong halaga ng alahas at mamahaling gamit ng kanyang among abogado sa Quezon City.
Dinakip ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang suspek dakong alas-6:30 ng gabi noong Mayo 11, 2026, sa loob mismo ng bahay at law office sa Citiplaza 1 Commercial Complex, Barangay Pasong Tamo.
Ayon sa report simula pa noong taong 2025 ay napapansin na ng 53-anyos na babaeng abogado na nawawalan siya ng mamahaling alahas at iba pang luxury items.
Pinaghinalaan umano ang suspek dahil ito umano ang sekretarya at office staff na may regular na access sa opisina at maging sa kuwartong pinaglalagyan ng mga mamahaling gamit.
Nadiskubre kamakailan na nawawala ang isang Omega watch, tennis bracelet, Tiffany bracelet, at Cartier bangle kaya nagsagawa ng internal inquiry ang biktima.
Sa isinagawang inspeksyon, isang duplicate key umano ang narekober mula sa suspek at tumugma ito sa nawawalang susi ng steel cabinet kung saan nakatago ang mga alahas. Sa harap ng biktima at testigo, nabuksan ang cabinet gamit ang nasabing susi dahilan para agad na ipaaresto ang suspek sa tulong ng barangay personnel.
Kabilang sa mga nawawalang gamit ang diamond earrings, Cartier necklaces at bangles, Prada bags, bracelets, at Omega watch na may kabuuang halagang tinatayang ₱1,535,000.
Gayunman, hindi pa rin nababawi ng mga awtoridad ang mga nawawalang alahas at luxury items.
Ayon kay NCRPO Regional Director Anthony A. Aberin, mahalagang maging mapanuri at mahigpit sa pagbibigay ng access sa mga mamahaling gamit kahit sa mga pinagkakatiwalaang tao.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong Qualified Theft sa ilalim ng Article 310 ng Revised Penal Code at nakatakdang isailalim sa inquest proceedings sa Quezon City Prosecutor’s Office.
