QCPD

QCPD sinusuri hit-run na sangkot QC parak

82 Views

INIIMBESTIGAHAN na ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang miyembro nito matapos masangkot sa viral hit-and-run incident sa kahabaan ng C5 Road sa Pasig City.

Ayon sa QCPD, iniutos na ni QCPD Director ang agarang pagkuha sa kustodiya ng nasabing pulis habang isinasailalim ito sa masusing imbestigasyon, kabilang ang pagsusumite ng kanyang paliwanag upang mabatid ang buong detalye at tunay na pangyayari sa insidente.

Ang nasabing pulis ay isang Police Staff Sergeant na nakatalaga sa District Mobile Force Battalion ng QCPD. Kasalukuyan itong nasa kustodiya habang hinaharap ang sabay na kasong kriminal at administratibo.

Batay sa kumalat na video sa social media, minamaneho umano ng pulis ang isang red-black Yamaha motorcycle nang mabangga nito ang isang sibilyang rider. Sa lakas ng impact, tumilapon umano ang biktima na nagtamo ng pinsala at pagkasira ng motorsiklo, mabilis na tumakas umano ang suspek nang hindi man lang tinulungan ang nabangga.

Tiniyak naman ng QCPD na seryoso nilang tinututukan ang usapin at isinasagawa ang imbestigasyon alinsunod sa umiiral na batas, polisiya, at pamantayan ng disiplina sa hanay ng kapulisan.

Binigyang-diin din ng QCPD na mahigpit nilang ipinagbabawal ang anumang uri ng misconduct ng kanilang mga tauhan. Kapag napatunayang may paglabag, agad umanong sasampahan ng kaukulang administratibo at kriminal na kaso ang sangkot na pulis.

Nanindigan naman ang QCPD sa kanilang pangako ng propesyonalismo, pananagutan, transparency, at patas na pagpapatupad ng batas.