Patay

Lalaki patay sa pamamaril sa San Jose del Monte

Bernard Galang Sep 14, 2025
410 Views

SAN JOSE DEL MONTE CITY, Bulacan — Isang 35-anyos na lalaki ang napatay sa insidente ng pamamaril nitong Biyernes ng madaling-araw sa Barangay Graceville, San Jose del Monte City.

Sa ulat kay PRO3 director Brig. Gen. Ponce Rogelio Penones Jr. kinilala ng pulisya ng Bulacan ang biktima na si Marwin, binata, at residente ng Barangay Gaya-Gaya, San Jose del Monte.

Sa paunang imbestigasyon, lumabas ang biktima at tatlong hindi pa nakikilalang suspek sa barilan bandang alas-5:40 ng umaga sa Phase 6E ng Barangay Graceville.

Parehong nagtamo ng tama ng bala ang magkabilang panig sa engkuwentro.

Subalit, bumalik umano ang isa sa mga suspek at binaril ang biktima sa ulo na agad niyang ikinamatay.

Kinuha pa ng suspek ang baril ng biktima bago tumakas kasama ang mga kasamahan sakay ng isang itim na Honda Click patungo sa Gov. F. Halili Road.

Ayon sa pulisya, ang driver ay nakasuot ng asul na maong pantalon, puting tsinelas, dilaw na scarf at asul na long sleeves. Ang isa pang backrider na tinamaan ng bala ay nakasuot ng itim na T-shirt, itim na pantalon, at itim na bull cap; habang ang ikatlong suspek ay nakaputing fatigue-colored hoodie at boxer shorts.

Patuloy ang follow-up investigation ng San Jose del Monte police kabilang ang pagsusuri ng CCTV footage sa lugar at nagsagawa na rin ng dragnet operation para madakip ang mga suspek.