Lalaki Ang wala ng buhay na biktima ng pamamaril ng hindi nakilalang suspek sa riles sa Tondo. Manila.

Lalaki pinaulanan ng bala sa riles, todas

Jon-jon Reyes Oct 19, 2024
7 Views

UTAS ang hindi pa nakikilalang biktima ng pamamaril sa riles ng tren sa Brgy. 217, Zone 20, Tondo, Manila noong Sabado.

Base sa ulat ng Tayuman police community precinct, nalaman na may binaril sa lugar ng may tumawag sa Station Tactical Operation Center (STOC).

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) Station 7 at nakumpirma na totoo ang report. Kinordon ang lugar pangunguna ni Police Master Sergeant Joseph Elmo Ortega.

Ayon sa report ng MPD Homicide Section, nakasando, naka-dark brown shorts ang biktima.

Umeskapo agad ang salarin na armado ng baril matapos isagawa ang krimen.

Sa salaysay ng isang barangay kagawad, naka-duty sila ng makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril dakong ala-1:45 ng madaling araw.

Pinuntahan nila ang pinanggalingan ng putok at doon na tumambad ang duguang biktima na wala ng buhay.