Siga

Lalaki tiklo sa boga

Edd Reyes Nov 20, 2025
324 Views

KINALAWIT ng mga pulis ang 23-anyos na lalaki na palakad-lakad habang armado ng baril noong Miyerkules sa Muntinlupa City.

Dinakma si alyas Julius matapos ang sunod-sunod na tawag mula sa mga natakot na residente sa Bagong Daan, Southville 3, Brgy. Poblacion sa naturang lungsod, ayon kay P/Col. Rebert Domingo, hepe ng Muntinlupa police

Ayon kay Col. Domingo, alas-3:15 ng hapon nang atasan niya ang mga tauhan ng Intelligence Section na puntahan ang lugar na itinawag ng mga residente at hanapin ang lalaking naka-gray na t-shirt at black and white na jersey shorts na palakad-lakad habang armado ng baril.

Nakumpiska kay alyas Julius ang hindi lisensyadong kalibre .357 magnum revolver na kargado ng dalawang bala na isusumite sa SPD Forensic Unit para sa ballistic examination.