Calendar
Award galing sa DILG-NCR pinasalamatan ng Manila VM
NAGPASALAMAT si Manila Vice Mayor Chi Atienza at ang Sangguniang Panlungsod sa Outstanding Local Legislative award ng Department of Interior and Local Government-National Capital Region (DILG-NCR).
Kasunod ito ng paghahain ng resolusyon ni Councilor Elmer “Joel” Par na tumatanggap sa pagkilala ng DILG-NCR sa konseho dahil sa kahusayan sa paglikha ng batas na nagpapatatag ng pundasyon para sa lokal na pamamahala.
Sinabi ng konsehal na hindi lamang ito karangalan para sa mga halal na opisyal ng konseho kundi sa lahat ng bumubuo ng lehislatura.
“Ako rin po ay dating empleyado ng City Council at ang karangalang ito ay tinataas na rin ang dignidad ng pagiging empleyado,” dagdag ni Par.
Aprubado ni Vice Mayor Atienza ang resolusyon at nanawagan sa mga miyembro na gawing inspirasyon ang award sa pagtatrabaho.
“I also would like to make a manifestation that such an award should give you more drive to create more ordinances and resolutions na nag-aaklas para sa ating mga kababayan,” panawagan pa ni Atienza.

