Turla Sinisiyasat ni Police Capt. Dennis Turla ang report kaugnay ng pananaksak sa isang karpintero sa Tondo, Manila.

Lalaki utas sa sandamakmak na kadyot

Jon-jon Reyes Jun 20, 2025
16 Views

PATAY ang 46-anyos na karpintero nang burdahan ng saksak ng isang suspek sa Capulong St., Tondo, Manila noong Miyerkules.

Naaresto ang suspek na si alyas Romeo, 32, dahil sa pananaksak kay alyas Manuel.

Ayon kay Police Capt. Dennis Turla, hepe ng Homicide Section ng Manila Police District, bandang alas-12:30 ng tanghali nangyari ang pananaksak.

Base sa imbestigasyon, naglalakad sa Capulong St. ang biktima nang biglang sumulpot ang suspek mula sa likuran at sinaksak ang biktima ng maraming beses sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Sa kabila ng matinding mga tama, nakalakad pa ng ilang metro ang biktima hanggang sa bumagsak sa lupa.

Humingi ng tulong ang isang saksi sa mga pulis na nagpa-patrol at itinuro ang suspek na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.

Isinugod ng saksi ang biktima sa Tondo Medical Center pero binawian na ng buhay ang biktima bandang alas-12:53 ng tanghali, ayon kay Dr. Jerico Liwag, ang attending physician.

Inihahanda na ang mga isasampang kaso laban sa suspek sa Office of the City Prosecutor, ayon sa mga pulis.