Calendar
Lalaking nars na pinaslang, ‘palipad’ ng US sa Nob.; maleta, passport, US dollars na baon ready na


CABANATUAN CITY – Napabalitang nakatakda umanong lumipad patungong Estados Unidos nitong Nobyembre upang bumalik sa trabaho ang lalaking nars na miyembro umano ng LGBTQI community bago ito mapaslang at matagpuang bangkay sa loob ng kanyang bahay nitong Martes ng umaga dito, ito ang nabatid ng Journal Group.
Palipad umano patungong Estados Unidos sa Nobyembre 15 ang biktimang nars na si Gil Ramos, alias Pogi/Magnolia, 57, walang asawa, ng Doña Adela Subd., Bgy. Mabini Homesite, ng lungsod na ito.
Dati ding nagtrabaho bilang isang nars ang biktima sa Kuwait at London. Muli siyang babalik sa California, USA matapos ang limang buwang bakasyon sa bansa.
Nakagayak na umano ang maleta, damit at papeles nito katulad ng passport at baon na US dollars para sa biyahe.
Lumutang ang impormasyong ito matapos mabuksan ang cabinet ng biktima at mahalungkat ng kanyang kaanak ang gamit nito matapos madiskubre ang kanyang bangkay sa kuwarto nitong Martes ng umaga.
Ayon sa unang ulat, naispatan sa CCTV footage na narekober ng pulisya na pumasok ang biktima na kasama ang kanyang umano’y boyfriend sa loob ng bahay.
Itinuring din na “person of interest” ang sinasabing 24-anyos na BF ng biktima na taga-San Leonardo, Nueva Ecija at freelance massage therapist.
Nitong Martes ng umaga, matatandaan na natagpuan ang biktima na may nakadagan na upuang kahoy sa kanyang dibdib at may kumot na bahagyang nakatakip sa kanyang katawan habang may nakita ring sugat sa kaliwang braso nito.
Ayon sa kaanak ng biktima, lumalabas sa imbestigasyon na may natagpuan ding saksak sa katawan ang biktima dulot ng kitchen knife.
Nawawala din umano ang mga suot na alahas nito sa katawan katulad ng singsing, necklace at bracelet.
Samantala, ayon kay Nueva Ecija top cop Col. Ritchie R. Claravall, hindi pa matagpuan ng PNP tracker team ang BF ng biktima sa San Leonardo, Nueva Ecija.
“Nega pa, lumuwas yung suspek at sumakay ng RORO,” sagot ni Claravall sa Journal Group sa kanyang text message Miyerkules ng gabi.
Sumisigaw ng hustisya ang pamilya, kaanak at kaibigan ng biktima na gawin ng Nueva Ecija police ang lahat ng kanilang magagawa upang madakip agad at mapanagot ang suspect sa krimen na kanyang ginawa.
Nakatakda ang libing ng biktima sa Sagrada Familia Memorial Park, Bgy. Kapitan Pepe Subdivision, Cabanatuan City sa ganap na 4 p.m. pagkatapos ng isang banal na misa sa Oktubre 17, 2026, Sabado.

