Laguna

Parak-PRO 4A tiniklo 169 suspek sa krimen

54 Views

Laguna1AFP2KAMPO VICENTE LIM, Calamba City, Laguna— Bagsak sa rehas na bakal ang nasa 169 indibidwal matapos ang sunod-sunod at walang patid na 24-oras na Anti-Criminality Operation ng Police Regional Office (PRO) 4A sa buong rehiyon ng CALABARZON.

Sa datos ng pulisya mula 6:00 ng umaga ng Oktubre 13 hanggang 6:00 ng umaga ng Oktubre 14, 2026, 48 ang nakalawit na wanted persons — kung saan 19 dito ay itinuturing na Most Wanted Persons (MWPs) habang 29 naman ang Other Wanted Persons (OWPs).

Nahaharap ang mga nadakip sa mabibigat na kaso, ang paggamit at pagbebenta ng ilegal na droga (RA 9165), carnapping, murder, rape, ilegal na pag-iingat ng baril at bala (RA 10591).

Hindi rin nakaligtas ang mga sugarol matapos magsagawa ng 52 operasyon kontra-ilegal na sugal ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakadakip ng 121 katao at pagkakakumpiska ng humigit-kumulang ₱16,409 na bet money.

Pinuri naman ni PRO 4A Regional Director PBGEN Dominic L. Baccay ang matagumpay na operasyon ng kanyang mga tauhan.

Ang nasabing operasyon ay bahagi ng PRO 4A B.E.S.T. Policing Framework at PNP Focused Agenda para sa mas ligtas na komunidad.

Kasalukuyan nang nakakulong sa iba’t ibang istasyon ng pulisya ang mga suspek para sa kaukulang disposisyon at paghahain ng kaso.