Cabanatuan Statement ng Cabanatuan City PNP tungkol sa pamamasalang kay Ser Bong TV

VLOGGER-DELIVERY RIDER TIGOK SA PANANAMBANG SA CABANATUAN

Steve A. Gosuico Oct 17, 2026
38 Views

CABANATUAN CITY – Patay ang isang vlogger at Grab food delivery rider matapos pagbabarilin at pagnakawan umano dito sa lungsod nitong Huwebes ng gabi.

Kinilala ang napaslang na biktima na may bansag sa online bilang si Ser Bong TV.

Natagpuan ang kanyang bangkay na nakahandusay sa gilid ng kalsada dakong alas 9:40 ng gabi Huwebes sa Markville Subdivision, Bgy. Mayapyap Sur dito.

Nakatanggap ng tawag ang kapulisan mula sa Unified PNP 911 hotline dakong 10:15 ng gabi ng Huwebes upang itimbre ang nasabing insidente ng pamamaril sa lugar.

Sa pagresponde, natagpuan ang biktima na wala nang buhay. Nakasuot ito ng berdeng long-sleeves na Grab uniform, blue jeans at multi-colored na helmet.

Natagpuan sa crime scene ang isang basyo ng Cal. 45.

Kasalukuyang nirerebisa ng kapulisan ang mga CCTV footages para sa pagkakakilanlan ng suspek.

Ayon sa ulat, nawawala din ang motorsiklo ng biktima na posibleng tinangay ng mga salarin.

Iniimbestigahan pa ng Cabanatuan city police sa ilalim ni police head Lt. Col. Lester P. Zafra ang pangyayari.