Calendar
Lapid hinimok testigo ng depensa na magsalita ng totoo
HINIMOK ni Senator-Judge Manuel “Lito” Lapid si Davao City Accountant Vingelin Bajan na magsabi ng totoo, matapos mainis ang ilang senator-judge sa malalabong sagot niya.
Sa ika-41 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte nitong Martes, sinabi ni Lapid na halos hindi nasasagot ni Bajan ang mga tanong ng mga senator-judge.
“‘Yung mga nakikinig na kababayan natin dito, pag hindi kayo nakakasagot, naiinis sila. Kami rin,” ani Lapid.
Binanggit din niya ang babala ni Senator-Judge Raffy Tulfo na maaaring ma-contempt ang testigo. “Lalo akong naaawa sa inyo,” dagdag ni Lapid.
“Ang iniisip namin pumunta ka rito nagagamit ka lang dahil kayo ang city accountant ng Davao na parang wala kayong alam. Sana magsalita kayo ng totoo,” aniya.
Nauna rito, inusisa ni private prosecutor Atty. Mae Divinagracia si Bajan tungkol sa dating accounting firm na kinabilangan niya, na external auditor umano ng GenCorp Industries Inc. at ng iba pang kumpanyang iniuugnay sa Bise Presidente.
Ilang ulit na natagalan sa pagsagot si Bajan, kabilang ang pagkumpirma kung kanya ang pirmang nasa mga dokumento ng partnership. Sinabi niyang hindi niya alam ang anumang external audit na isinagawa ng firm matapos siyang umalis dito noong 2015.
Iniharap si Bajan ng depensa para ipaliwanag na salary differential mula sa pagka-mayor ni Duterte ang P64,194.72 na ibinayad sa kanya ng Davao City government noong Enero 2023. Iginigiit naman ng prosekusyon na unauthorized double compensation ito habang Bise Presidente na si Duterte.

