Calendar
Sotto kinwestyon bakit Rizal Day petsa ng voucher ng bayad kay VP Sara
INUSISA ni Senator-Judge Vicente “Tito” Sotto III kung bakit Disyembre 30, 2022, araw ng Rizal Day at isang national holiday, ang petsa ng disbursement voucher para sa P64,194.72 na ibinayad ng Davao City government kay Vice President Sara Duterte.
Tinanong ito ni Sotto kay Davao City Accountant Vingelin Bajan sa ika-41 araw ng impeachment trial nitong Martes. Sumasaklaw ang voucher sa salary differential ni Duterte bilang dating mayor ng lungsod.
Sana raw ay lahat ng tao sa buong Pilipinas ay nagtatrabaho kahit holiday, ani Sotto.
Sagot ni Bajan, nag-overtime ang mga tauhan ng city accounting office kahit holiday para matapos ang year-end closing of books.
Ayon kay Bajan, salary differential ang P64,194.72 para sa 2020 at 2021, nang mayor pa ng Davao City si Duterte, bunga ng salary adjustment sa ilalim ng Salary Standardization Law na ipinatupad noong 2019. Inilabas ang bayad noong Enero 2023, matapos maupo si Duterte bilang Bise Presidente noong Hunyo 30, 2022.
Iginigiit ng prosekusyon na tumanggap ang Bise Presidente ng unauthorized double compensation habang nanunungkulan. Sa cross-examination, inamin ni Bajan na hindi nakasaad sa 2023 tax form na pinirmahan niya na salary differential ang bayad.
Sa redirect examination, sinabi ni Bajan na walang inilabas ang Commission on Audit (COA) na audit observation memorandum, notice of suspension o notice of disallowance sa P64,194.72.
Iginiit naman ng depensa na bayad ito sa naunang serbisyo ni Duterte bilang alkalde, at hindi sa trabaho niya bilang Bise Presidente.

