Santos

Las Piñas-Zapote River Drive Flood Watch isusulong ni Santos

Mar Rodriguez Jul 28, 2025
264 Views

BUNSOD ng matinding pagbaha sa kanilang lugar, isusulong ni Las Piñas Lone District Representative Mark Anthony Santos ang pagpapatupad ng malawakang “Las Piñas-Zapote River Drive Flood Watch” sa lahat ng 20 barangay sa nasabing lungsod.

Sinabi ni Santos na ang ilulunsad na programa ay bilang tugon sa patuloy na problema ng matinding pagbaha sa Las Piñas-Zapote Road lalo na sa mga mababang lugar sa tuwing bumubuhos na lamang ang malakas na ulan sa Metro Manila.

Ipinaliwanag ng bagitong kongresista na ang nasabing programa ay bahagi ng isang mas malawak na estratehiya para sa disaster prevention at flood mitigation na naglalayong gawing mas epektibo at organisado ang pagtugon ng lokal na pamahalaan.

Ipinahayag pa ni Santos na isa sa mga pangunahing bahagi ng programa ay ang kampanya kontra basura sa ilalim ng proyektong “Zero Basura, Zero Baha” na ilulunsad sa mga pampubling paaralan at barangay para sugpuin ang martinding pagbaha.

Ayon kay Santos, layunin nitong palakasin ang edukasyon sa tamang pagtatapon ng basura at hikayatin ang partisipasyon ng komunidad sa pagpapanatiling malinis ang kanal at estero.