Dy

Lascanas, Ancierto mas credible kumpara kay Morales — Dy

Mar Rodriguez May 16, 2024
95 Views

BINIGYANG diin ng isang kongresista na mas kapani-paniwala ang “self-confessed” Davao Death Squad (DDS) member at retiradong pulis na si Arturo Lascanas kabilang ang beteranong drug operative na si Eduardo Ancierto patungkol sa usapin ng illegal drugs.

Ayon kay House Deputy Majority Leader at Isabela 6th Dist. Cong. Faustino “Inno” A. Dy V, kung issue ng illegal drugs ang pag-uusapan hamak na mas credible sina Lascanas at Ancierto kumpara sa dating PDEA agent na si Jonathan Morales.

Dahil dito, muling idiniin ni Dy na mistulang nagsasayang lamang ng oras, panahon at resources ng gobyerno ang isinasagawang imbestigasyon ng Senate Committee on Public Order na pinamumunuan ni Sen. Ronaldo “Bato” dela Rosa dahil sa pakikinig nito sa mga kasinungalingang testamento ni Morales.

Sinabi ni Dy na malinaw sa takbo ng Senate investigation tungkol sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) leak na pawang mga pinagtagni-tagning kasinungalingan lamang ang mga ibinibigay na pahayag ni Morales dahil wala naman siyang pinanghahawakang matibay na katibayan.

Bunsod nito, iminumungkahi ng Isabela solon na mas makabubuting itigil na lamang ni Senator Bato Dela Rosa ang kanilang imbestigasyon kung ang kinahihinatnan lamang ng kanilang pagdinig ay “witch hunting” o ang pag-aakusa sa mga taong wala naman totoong kinalaman sa kaso ng illegal drugs.

Naninindigan si Dy na mas maraming maibibigay na mahahalagang testamento sina Lascanas at Ancierto kaugnay sa issue ng illegal drugs sa bansa katulad ng ginawa nila sa mga naunang imbestigasyon ng Senado kumpara kay Morales na halatang gawa-gawa lamang o fabricated ang mga pahayag nito.

“Ang hindi ko maintindihan eh’ bakit pinag-aaksayahan ng panahon, oras at resources si Morales na halatang-halata naman na fabricated ang kaniyang mga pahayag. Mas credible pa sina Lascanas at Ancierto. Sila ang dapat humarap sa Senate investigation at hindi si Morales,” sabi pa ni Dy.