Calendar
Lasing na lolo, 3 pa sa sunog sa P’que na umabot sa Task Force Alpha
SUGATAN ang apat na katao, kabilang ang lasing na lolo, sa sunog na umabot sa Task Force Alpha sa Brgy. San Antonio, Parañaque City.
Kaagad nabigyan ng atensiyong medikal ng Barangay Disaster Risk Reduction and Management ang lolo na natumba dahil sa kalasingan habang ang ilan ay nakatapak ng bubog habang sinasalba ang kanilang gamit.
Nagsimula ang sunog sa ibaba ng tatlong palapag na bahay pasado alas-11 Miyerkules ng gabi na mabilis kumalat sa dikit-dikit na kabahayan na karamihan ay gawa sa light materials kayat itinaas sa ika-limang alarma ang sunog dakong alas-3:10 ng madaling araw.
Ayon kay City Marshal FSUPT Liher Barrios, naging pahirapan ang pag-apula ng sunog dahil bukod sa lakas ng hangin ay may kalayuan sa kalsada ang mga apektadong kabahayan kayat inabot ng mahigit anim na oras bago makontrol ang apoy alas 5:50 ng umaga.
Umabot naman sa mahigit 600 pamilya o katumbas ng mahigit 1,800 residente ang nawalan ng bahay sa sunog na umabo sa 300 kabahayan at puminsala sa P900,000 halaga ng mga ari-arian.
Iniutos naman ni Paranaque City Mayor Edwin Olivarez na buksan ang San Antonio Elementary School at ilang evacuation center sa lugar para pansamantalang tuluyan ng mga apektadong pamilya kung saan sila dinalhan ng pagkain at mga pangunahing pangangailangan.

