laure UST: Wagi laban sa Adamson. UAAP photo

Laure nagpasikat, UST nanalo

Theodore Jurado May 17, 2022
329 Views

PINUTOL ng Universityof Santo Tomas ang three-match winning streak ng Adamson sa pamamagitan ng 12-25, 25-19, 25-22, 18-25, 15-9 panalo sa UAAP women’s volleyball tournament sa Mall of Asia Arena.

Lumagare si league leading scorer Eya Laure ng 23 points, kabilang ang match-clinching crosscourt kill, at walong receptions upang tulungan ang Tigresses na umangat sa 2-0 sa five-setter matches.

Umakyat na sa 4-2 sa kabuuan, nakatabla na ng UST ang La Salle, na magaan na dinispatsa ang University of the Philippines, 25-12, 25-17, 25-19, sa ikalawang puwesto.

Nasayang ng Tigresses ang 7-2 lead sa deciding set subalit nagawa pa ring makabawi, habang sinamantala ang late-game errors ng Lady Falcons.

Ngayon nang naging pangalawang pinakamainit na koponan, ipinagpatuloy ng titleholder Ateneo ang pagbangon mula sa 0-3 simula sa pamamagitan ng 25-14, 20-25, 25-11, 25-14 paggiba sa University of the East.

Sa kanilang ikatlong panalo sa anim na laro, narating ng Blue Eagles ang .500 mark sa unang pagkakataon ngayong season, subalit may hinahanap pa si coach Oliver Almadro is sa kanyang tropa

lalo’t paparating na ang halfway mark ng eliminationa.

“We’re not counting the streak e, we just want to be better every game and this game is not different from the other games we have to prepare rin for UE,” sabi ni Almadro.

“We know for a fact naman na lumalaban talaga sila and kapag hindi mo binantayan yung counter attack nila, they will really hit on you like what happened on our second set,” aniya.

Haharapin ng Ateneo sa kanilang pagsasarap ng kanilang first round assignment laban sa UST sa rematch ng 2019 Finals bukas.

Nag-ambag si first year spiker Ypril Tapia ng 11 points, kabilang ang dalawang service aces, habang nagbigay si setter Maji Mangulabnan ng 25 excellent sets at bumira ng dalawang service aces para sa Tigresses.

“Kalimutan yung first four sets, erase na lahat,” sabi ni UST coach Kungfu Reyes. “Ang pinakaimportante yung fifth set kasi gaya ng sinabi namin noon sa mga previous matches namin, sa five sets patatagan lang ng dibdib, palakas ng isip so every point count.

“Bawal ang magkamali yun lang naman ang binigay naming instructions sa kanila the rest sila na yung nag trabaho sa loob,” aniya.

Nalaglag ang Lady Falcons, na kumuha ng 15 points mula kay Trisha Genesis, sa pang-apat kasama ng Eagles at Fighting Maroons sa 3-3.

Patuloy ang pagkislap ni Faith Nisperos para sa Ateneo na may 19 points, kabilang ang tatlong service aces, at pitong receptions habang bumira rin si Vanie Gandler ng tatlong aces para sa 16-point outing bukod sa 14 digs.

Nagdala ang mga rookies ng Lady Spikers, kung saan tumapos si Alleiah Malaluan na may 16 points at limang receptions habang si Fifi Sharma ay may tatlong blocks para sa 10-point effort.

Nalimitahan si Alyssa Bertolano, ang second leading scorer ng liga, sa apat na puntos para sa UP, na natalo ng tatlong sunod.