Laurel

Laurel: Presyo ng galunggong bababa sa Marso

Chona Yu Jan 17, 2024
147 Views

KUMPIYANSA si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na bababa ang presyo ng galunggong sa Marso.

Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Laurel na ito ay dahil sa matatapos na ang closing fishing season ngayong buwan ng Enero.

Sa kasalukuyan, nasa P240 ang presyo ng galunggong kada kilo.

Ayon kay Laurel, asahan nang mas maraming huli ang mangingisda pagsapit sa buwan ng Marso kung kaya maaring bumababa ang presyo nito sa P130 hanggang P150 kada kilo.

Sabi ni Laurel, utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palakasin ang aquaculture sa bansa.

Kailangan aniyang maparami ang isda sa pamamagitan ng pag-aayos ng mga habitat nito at pagpahingain ang mga fishing grounds ng ilang taon.

Utos din aniya ni Pangulong Marcos na palakasin ang seaweed industry para may dagdag na kabuhayan ang mga mangingisda.

Sa ngayon, sinabi ni Laurel na may ayudang ibinibigay ang DA sa mga mangingisda gaya ng mga bangka, kooperatiba at iba pa.