Dean

Law dean kay VP Sara: Lumabas sa lungga, dumalo sa pagdinig ng Kamara

Mar Rodriguez Apr 18, 2026
43 Views

PANAHON na para lumabas sa “lungga” niya at basagin na ang pananahimik ni Vice President Sara Duterte para dumalo sa pagdinig ng House Committee on Justice, ayon sa dean ng Far Eastern University (FEU) Institute of Law.

Sinabi ni Atty. Mel Sta. Maria, ang dean ng FEU, panahon na para siputin ni VP Sara ang imbitasyon ng Committee on Justice para sagutin ang mga kasong impeachment laban sa kaniya.

Si VP Duterte lamang ang makakapag-paliwanag tungkol sa mga paratang ng paglabag sa Konstitusyon at iba pang maling gawain na ibinabato laban sa kaniya, ayon sa abogado.

“Sa tingin ko lang, dapat sumipot siya sapagkat ang daming testimonya ngayon na lumalabas laban sa kaniya, ang daming ebidensiya, ang daming mga kuwento.

At kung dapat na mapasinungalingan ‘yan at masabing hindi totoo, isang tao lang ang makakapag-patunay niyan. Walang iba kundi si VP Sara,” sabi ni Sta. Maria.

Napakahalaga para kay Duterte ang dumalo sa isinasagawang padinig ng Justice Committee para sa bibig na rin niya manggaling kung totoo o hindi ang mga inihayag ni Ramil Madriaga sa kaniyang affidavit.

Nauna rito, pinadalhan ng imbitasyon ng House Committee on Justice si Vice President Sara noong nakalipas na Martes subalit naman ito sumipot.

Gayunman, bilang pagsunod sa due process. Dalawang beses umanong inimbitahan ni Luistro si Duterte ngunit wala pa rin itong sagot.