Calendar
Legarda nanawagan na pigilan ang karahasan sa gitna ng tensyon sa ME
BINIGYANG-DIIN ni Senador Loren Legarda na ang lumalalang tensyon sa Gitnang Silangan ay nagdudulot ng seryosong panganib sa kalakalan, enerhiya, at trabaho, lalo na para sa mga bansang may libu-libong manggagawang Pilipino.
Nagpaabot ng pakikiramay ang senador sa pamilya ni Mary Anne Velasquez de Vera, isang Pilipinang nasawi sa Israel.
Ayon kay Legarda, ang pangyayaring ito ay sapat na dahilan upang manindigan laban sa anumang aksyon na naglalagay sa mga Pilipino sa panganib dahil sa sigalot.
Nanawagan siya sa lahat ng panig na pigilan ang karahasan, gamitin ang diyalogo at diplomasya, at igalang ang batas internasyonal.
Inatasan din niya ang Department of Foreign Affairs, Department of Migrant Workers, at ang mga embahada at konsulado na tiyaking may malinaw na plano sa seguridad at paglilikas, pati na rin ang agarang tulong para sa mga nangangailangan.
“Sa gitna ng kaguluhan, tayo ay may pananagutan sa kanilang kaligtasan, at sa ating pagtugon, ipaparamdam natin na may pamahalaang handang magtanggol at magmalasakit,” pahayag ni Legarda.
Hinimok din ni Legarda ang economic team ng bansa na paghandaan ang posibleng epekto sa suplay at presyo ng enerhiya at iba pang bilihin upang hindi lalong mabigatan ang mamamayan.
Aniya, ang bawat pagsabog sa Gitnang Silangan ay maaaring magdulot ng dagdag pasanin sa presyo ng gasolina, pamasahe, at pagkain.
Iginiit ni Legarda na dapat tutulan at wakasan ang anumang giyera na tumatapak sa buhay ng mga inosente.

