Sotto

Sotto gusto ng national petroleum reserve

126 Views

NANAWAGAN si Senate President Vicente Sotto III ng pagtatatag ng pambansang petroleum reserve upang palakasin ang seguridad sa enerhiya at matiyak ang katatagan ng suplay.

Layunin ng Senate Bill 1934 o ang Philippine Strategic Petroleum Reserve Act na magtatag ng imbakan na pag-aari at pinamamahalaan ng gobyerno sa pamamagitan ng Department of Energy.

Inaatasan ng panukalang batas ang pagpapanatili ng suplay na katumbas ng hindi bababa sa 90 araw ng karaniwang pambansang konsumo.

“At present, the country does not maintain a comprehensive, state-managed strategic petroleum reserve capable of cushioning prolonged supply interruptions,” pahayag ni Sotto.

Ang mga itatayong pasilidad sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay mag-iimbak ng krudo at mga refined petroleum product gaya ng diesel, gasolina, jet fuel, liquefied petroleum gas, at iba pang kritikal na produkto.

Ang pagpapalabas ng suplay sa oras ng emergency ay awtorisado dapat ng Pangulo batay sa rekomendasyon ng Strategic Energy Security Council.

Maaari itong gawin sa panahon ng matinding pagkaantala ng suplay, national emergency, pambihirang paggalaw ng presyo na nagbabanta sa ekonomiya, at mga kalamidad.

Para sa Senate President, ang kahandaan ay hindi opsyonal kundi isang pananagutan.

“The establishment of this bill is a forward-looking investment in national stability, economic continuity and sovereign resilience,” sabi ng senador.