Isko

LGTT ni Yorme Isko mangunguna sa maayos na paglilipat ng kapangyarihan

Edd Reyes Jun 2, 2025
33 Views

HANDA na ang Local Governance Transition Team (LGTT) ni incoming Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na mangunguna sa maayos na paglilipat ng kapangyarhan sa mauupong alkalde sa Hunyo 30, 2025.

Layunin ng LGTT ni Mayor Domagoso na mapangalagaan ang lahat ng mga rekod ng pananalapi at lahat ng pag-aari ng lokal na pamahalaan, pag-iimbentaryo ng mga gamit, pag-iingat sa opisyal na rekord ng lokal na pamahalaan at marami pang iba na kailangang masuri bago isagawa ang paglilipat.

Nababahala ang LGTT ni Mayor Domagoso na baka magtagal ang kanilang maging papel sa paglilipat ng kapangyarihan matapos isa-isang maglutangan ang mga kuwestionableng mga rekord ng lokal na pamahalaan, kabilang ang biglang paglobo ng bilang ng mga job order (JO) employee batay na rin sa sumirit na payroll na umabot sa P1.4 bilyon ngayong taon na mas malaki kumpara sa P400 million noong 2022.

Sa nakuhang rekod ng transition team, mula Disyembre ng taong 2024 hanggang Marso ng 2025, mahigit 1,500 JO ang nadagdag sa payroll kaya’t umakyat sa P5.4 billion nitong taong 2024 ang employee compensation mula sa P4.5 bilyon noong 2020. Lumilitaw na halos kalahati na ng kawani ng lokal na pamahalaan ay pawang mga job order at contractual employees, ayon sa transition team.

Kung pagsasamahin naman ang sahod ng mga consultants at JO, tumaas na ito ng P1 bilyon noong 2024 kumpara sa dating P712 milyon noong 2023 habang ang Social Amelioration Program sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (SAP-PLM) na aabot sa P110 milion ay hindi pa rin nababayaran.

Nababahala rin ang LGTT sa mabilis na pagnipis ng reserbang salapi ng lokal na pamahalaan dahil mula sa P16.3 bilyon noong 2020, lumiit ito sa P7.3 bilyon o 55% na pagbaba ngayong Mayo, 2025.

Isa pa sa kanilang ikinababahala ang ulat ng Commission on Audit (COA) na 452 na real property units ang pinaliit ang pagtatasa o under-assessed na dahilan upang malusaw ang sana’y P3.3 milyong makokolektang buwis pati na rin ang pag-aalis sa 1,130 real property units sa kanilang tax rolls.

Sa nalalabing mahigit apat na linggo bago maupo bilang bagong alkalde si Mayor Isko Moreno, sinabi ng transition team na mamanahin ng incoming mayor ang lumiit na reserbang cash, ga-bundok na pagkakautang, at kung papaano maibabalik ang disiplinado sa pananalapi lalu na’t lumalawak ang kakulangan sa pondo para tustusan ang mga pangunahing proyekto at programa.