Libre na parada simula sa Lunes sa Santolan station parking area

Jun I Legaspi Apr 24, 2026
25 Views

INANUNSYO ng Department of Transportation (DOTr) na simula sa Abril 27 libre na ang paggamit sa Santolan station parking area para sa mga pasahero ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2).

Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, layunin ng hakbang na makatulong sa mga motorista na makabawas sa gastos sa gasolina at makatipid sa oras ng biyahe sa pamamagitan ng pagsakay sa tren.

“Ang utos sa atin ng Pangulo ay hikayatin ang mga may-ari ng sasakyan na sumakay ng ating mga tren. Kaya nag-isip tayo ng iba pang paraan para makatulong hindi lamang sa mga commuter kundi maging sa mga motorista na bumibiyahe araw-araw,” sabi ni Lopez.

Ayon sa opisyal, bukod sa 50% diskwento sa pamasahe sa LRT-2, libre na rin ang parking fee ng mga pasaherong may dalang sasakyan.

“Malaki ang matitipid kumpara sa patuloy na pagkonsumo ng gasolina o diesel na nananatiling mataas ang presyo. Higit pa rito, mas mapapabilis ang kanilang biyahe tungo sa destinasyon,” ayon sa kalihim.

Ang libreng parking ay bukas mula alas-4:00 ng umaga hanggang alas-11:30 ng gabi araw-araw at first-come, first-served basis.

Upang makagamit ng libreng parking, kailangang kumuha ng parking stub mula sa LRTA security personnel, ipa-validate sa Passenger Assistance Office ng LRT-2 at ipakita bago lumabas ng parking area.