Calendar
Villar naghain ng panukalang batas na tutulong sa manggagawa, MSMEs
NAGHAIN si Sen. Mark Villar ng panukalang batas na naglalayong magbigay ng tulong sa mga manggagawa, low-income households, self-earning individuals at micro, small and medium enterprises (MSMEs) na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis.
Layunin ng Senate Bill No. 2032 ni Villar na palawakin ang social protection para sa mga sektor na apektado ng krisis sa enerhiya.
Kabilang sa mga probisyon ng panukalang batas ang grace period para sa pagbabayad ng renta at utang, loan restructuring na walang multa, flexible tax and compliance deadlines at mas pinalawak na access sa credit assistance.
Binanggit ni Villar ang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies na maaaring madagdagan ng hanggang 3.1 milyon ang mga Pilipinong mapabilang sa mahihirap dahil sa energy crisis.
“Ramdam natin ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, ngunit mas mabigat ang epekto nito sa mga kumikita ng minimum wage, sa ating mga self-earning na kababayan at sa maliliit na negosyo. Kailangan nating tiyakin na may sapat silang proteksyon at suporta,” sabi ni Villar.
Kailangan ang mabilis at konkretong hakbang upang matulungan ang mga vulnerable sector na makayanan ang krisis, dagdag ng senador.
“Sa panahon ng krisis, mahalaga ang mabilis at konkretong aksyon. Kailangan nating maglatag ng matibay na social safety net na makakatulong sa ating mga kababayan hindi lang ngayon, kundi sa mga susunod pang hamon,” dagdag ni Villar.
