Chavez

Libreng sakay para sa estudyante sa LRT-2 lang

243 Views

NILINAW ng Department of Transportation (DOTr) ngayong Miyerkoles na ang Light Rail Transit Line 2 lamang ang magbibigay ng libreng sakay para sa mga estudyante.

Ayon kay Transportation Undersecretary Cesar Chavez ginawa ito dahil ang biyahe umano ng Philippine National Railway ay “heavily subsidized” na.

Paliwanag ni Chavez ang pamasahe sa PNR mula Tutuban hanggang Calamba ay dapat P362 pero ang sinisingil lamang ay P60.

Ang Metro Rail Transit Line 3 naman umano ay nakapagbigay na ng libreng sakay sa 28.6 milyong pasahero na nagkakahalaga ng P505.9 milyon.

Nauna ng inanunsyo ng DOTr na magbibigay ng libreng sakay sa mga estudyante sa LRT-2, PNR at MRT-3 mula Agosto hanggang Nobyembre.

“We can no longer afford to implement free ride nang matagal lalong lalo na sa lahat ng linya (for long, especially on all lines),” sabi ni Chavez.

Nagdesisyon umano na panatilihin ang libreng sakay sa LRT-2 dahil dumaraan ito sa University belt kung saan maraming eskuwelahan.

Ayon kay Chavez umaabot sa 4,500 estudyante ang sumasakay ng LRT-2 kada araw samantalang sa MRT-3 at PNR ay nasa 1,500 estudyante lamang.