Free Sinabi ni Transportation Secretary Vince Dizon na malaking tulong ang libreng sakay, lalo na sa mga estudyante, dahil nasa P200 kada linggo ang matitipid nila sa pamasahe.

Libreng Sakay Program umarangkada na sa Cebu

Jun I Legaspi Jul 23, 2025
442 Views

SIMULA July 23, 2025 (Miyerkules) libre na ang pamasahe ng mga pasahero sa mga modern jeepney sa rutang Urgello-Parkmall sa Cebu matapos ilunsad ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Libreng Sakay Program.

Ang programa ay tugon sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos na ibsan ang arawang gastos ng mga komyuter sa kanilang pasahe at bigyang sapat na kita ang mga jeepney operator at driver.

Sinabi ni Transportation Secretary Vince Dizon na malaking tulong ang libreng sakay, lalo na sa mga estudyante, dahil nasa P200 kada linggo ang matitipid nila sa pamasahe.

“Kabilin-bilinan ng Pangulong Marcos na dapat paginhawain natin ang buhay ng mga kababayan natin. Ang Libreng Sakay Program dito sa Cebu ay isang paraan ng pamahalaan na makatipid sa kanilang araw-araw na gastusin at magamit ang matitipid sa ibang bagay gaya ng pagkain o gamot,” ani Secretary Dizon.

“Malaking tulong din ito para mahikayat ang mga kababayan nating mag-commute, dahil may option na sila para sa reliable at abot-kayang public transportation,” dagdag ng Kalihim.

Ayon sa kalihim, ang Libreng Sakay Program ay makakatulong din sa mahigit 400 drivers at operators dahil fixed na ang kanilang kita at hindi na kinakailangang humabol pa sa boundary sa pamamagitan ng Service Contracting Program (SCP).

Nasa P125 million ang inilaang budget para sa libreng sakay sa loob ng isang taon para sa ruta ng Urgello-Parkmall, kung saan nasa 20,000 pasahero ang sumasakay kada araw.

Pinag-aaralan na rin ng DOTr na magbukas ng libreng sakay sa iba pang ruta, tulad ng Talisay-IT Park, kung saan maraming call center agents naman ang sumasakay.

Magpapatuloy ang libreng sakay araw-araw, tuwing 6-9 a.m. at 5-8 p.m., hanggang 2028.

Ito ang unang libreng sakay sa Visayas, at maglulunsad din ng libreng sakay para naman sa mga public utility bus sa Davao bukas, na siya namang una sa Mindanao.