MRT

Libreng sakay sa MRT-3 sinimulan na

Jun I Legaspi Mar 28, 2022
267 Views

SINIMULAN na ngayong araw, Marso 28 ang libreng sakay sa Metro Rail Transit 3 (MRT-3).

Kasabay nito ay bumiyahe na rin ang mas mahabang train set ng MRT-3 na mayroong apat na bagon.

Magtatagal ang libreng sakay hanggang sa Abril 30. Ito ay mula alas-4:40 ng umaga hanggang 10:10 ng gabi.

Upang makasakay, kailangan ng valid stored value o beep card. Kailangan itong i-tap upang bumukas ang ticket gate para makapasok at makalabas. Walang mababawas sa card balance ng pasahero.

Kung wala pang stored value card, maaaring magpunta sa ticket booth upang makakuha ng single journey ticket na siyang ita-tap sa gate upang makapasok sa platform. Kailangang i-insert ang ticket sa ticket gate inlet upang makalabas ng platform.

May multa na P50 para sa mawawala o masisirang single journey ticket kaya dapat itong ingatan ng pasahero.

Ang libreng sakay ay bahagi ng pagdiriwang sa matagumpay na pagtatapos ng rehabilitasyon ng MRT-3 at bilang ayuda sa mga pasahero sa gitna ng mataas na presyo ng bilihin at pagbabalik-opisina ng marami.