Calendar
Lider ng Kamara pinuri anunsyo ni PBBM na gawing certified urgent amyenda sa RTL
IKINAGALAK ng liderato ng Kamara de Representantes ang pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing certified urgent ang panukalang amyenda sa Republic Act (RA) No. 11203 o ang Rice Tariffication Law (RTL).
Kumpiyansa rin si Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David “Jay-jay” Suarez na ang sertipikasyon ni Pangulong Marcos ay mag-uudyok sa Senado upang agad ding aprubahan ang panukala na isinusulong ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez upang mapababa ang presyo ng bigas.
“This is in line with the directives of Speaker Martin Romualdez, our leader here in Congress, na i-amend ang RTL upang siguraduhin na mapababa po natin ang presyo ng bigas para sa mamamayang Pilipino,” ayon sa pahayag ni Suarez sa ginanap na pulong balitaan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Binigyan-diin ni Suarez na kinakailangan ang mabilis na aksyon sa tumataas na presyo ng bilihin, lalo na ang presyo ng bigas na pangunahing hamong kinakaharap ng mga Filipino, lalo na ang mga mahihirap.
“Ramdam po natin na isa sa mga pangunahing hamon na hinaharap ng ating mga kababayan ay ‘yung patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, and amending the [RTL] is one sure step that we can do to have more competitive prices for Filipinos,” ayon sa mambabatas.
Ayon kay Suarez, patuloy ang ginagawang pagsisikap ng Kamara, sa isinasagawang pagdinig ng Committee on Agriculture and Food, na pinamumunuan ni Quezon 1st District Rep. Mark Enverga, sa ilang mga panukala na layuning amyendahan ang RTL.
Sinabi ni Speaker Romualdez, inaasahang mababawasan ng P10 hanggang P15 ang presyo ng bigas sakaling maisakatuparan ang pag-amyenda ngayong Hunyo.
Ayon pa sa mambabatas, hangad ng Kamara na maibaba ang presyo ng bigas sa P30 kada kilo, upang matiyak na may mabibiling abot-kayang presyo ang mahihirap na pamilya.
Naniniwala naman si Suarez na sapat na ang pagsertipika ng pangulo bilang “urgent” sa panukalang pag-amyenda upang sabay na kumilos ang Senado.
“May sarili din namang patakaran ang mga senador at ang Senate sa mga processes nila pagdating sa legislation but given that this has already been certified as urgent by the Palace, I’m sure the Senate will take cue and take action on that,” ayon pa may Suarez.
“So antayin na lang po natin kung ano po ang magiging tugon ng Senado. But I’m very positive that the Senate will take action given the urgency of the matter,” dagdag pa ng mambabatas mula sa Quezon.
Ayon kay Pangulong Marcos na ang pag-amyenda sa RTL ay magiging daan sa pagtatakda ng pamahalaan sa presyo ng bigas, lalo na sa regulasyon sa pagbili ng palay at pagbebenta ng bigas sa publiko.
Ang RTL ay nakadisenyo upang mapababa ang presyo ng bigas, nagbibigay permiso sa maramihang pag-aangkat ng bigas sa bansa. Gayunpaman, ipinagbabawal naman ng batas ang pagbili at pagbebenta ng National Food Authority (NFA) ng bigas, na limitado lamang ang tungkulin sa pangangasiwa ng “buffer stocks.”
Nais ng mga mambabatas na maibalik sa NFA ang mandato sa pagkontrol ng presyo ng bigas sa mga pamilihan.
Iginiit pa ng mga kongresista na sa umiiral na RTL ay hindi pinapayagan ang NFA na makapagbenta sa publiko ng abot-kayang presyo ng bigas.