Magsino

Life imprisonment sa mga sangkot sa illegal recruitment hiniling

Mar Rodriguez Apr 13, 2023
177 Views

DAHIL malala na ang mga kaso ng illegal recruitment kasunod ng pagiging mapangahas ng mga sindikatong nag-ooperate sa ganitong modus-operandi. Isinulong ng Overseas Filipino Workers (OFW) Party List Group ang panukalang batas upang patawan ng “life imprisonment” ang mga sangkot sa gawaing ito.

Ipinaliwanag ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino na marami sa kasalukuyang batas ang nagpapataw ng “life imprisonment” o parusang pagkaka-kulong laban sa sinomang indibiduwal o grupo na sangkot sa illegal recruitment subalit ito’y nakapaloob sa lahat ng mga batas.

Aminado si Magsino na ang lahat ng mga umiiral na batas partikular na ang Labor Code ay mayroong probisyon na nagsasaad na may kaparampatang parusa katulad ng pagkakakulong o imprisonment ang mga mapapatunayang nag-ooperate at sangkot sa illegal recruitment at human trafficking.

Subalit binigyang diin ni Magsino na ang pangunahing layunin ng House Bill No. 7865 na isinulong nito sa Kamara de Representantes ay upang magkaroon ng isang spesipikong o partikular na batas na nakatutok mismo sa illegal recruitment na may katumbas na habang buhay na pagkakakulong.

Sinabi ni Magsino na nais din nila na mai-consolidate ang lahat ng umiiral na batas sa iisang batas lamang na nakasentro sa illegal recruitment. Bunsod narin ng unti-unting lumalalang kaso ng illegal recruitment sa bansa na pinatunayan din ng mga sumambulat na balita patungkol dito.

Ikinatuwiran ng kongresista na habang tumatagal ay lalong lumalaganap ang mga kaso ng illegal recruitment. Sapagkat maging ang social media ay pinanghimasukan narin ng mga nag-ooperate ng ganitong modus-operandi sa pamamagitan ng mga pekeng “online job recruitment” papuntang abroad.

Ayon kay Magsino, sa kasalukuyan ay sinasamantala na aniya ng mga illegal recruiters at human traffickers ang kapangyarihan ng Information and Communications Technology (ICT) para makahanap ng kanilang mabibiktima sa pamamagitan ng pag-aalok ng mga pekeng trabaho sa ibang bansa.

Sinabi pa ng mambabatas na layunin din ng HB No. 7865 na palakasin ang batas laban sa talamak na illegal recruitment at human trafficking dahil mistulang binabalewala lamang nila ang mga umiiral na batas kaugnay sa kasong ito dahil nakakalat lamang ito sa iba’t-ibang mga batas.

“One of the identified gaps contributing to the evolving problem of illegal recruitment is the absence of a single penal law. Nakakalat lang sa iba’t-ibang lumang batas ang mga probisyon ng illegal recruitment. Kung seryoso tayo sa ating laban kontra sa illegal recruiters, dapat palasakin natin yung batas na magpaparusa sa mga kawatang ito,” paliwanag ni Magsino.