Calendar

Lisensya ng driver na bumangga, nakadedo ng 2 sa NAIA 1 suspendido
ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na papanagutin ang mga pasaway na motorista, sinuspinde ng 90 araw ng Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng patnubay ni DOTr Secretary Vince Dizon, ang lisensya ng driver ng SUV na bumangga sa isa sa nga entrance doors sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Linggo.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, naglabas din ang ahensya ng show cause order (SCO) aban sa rehistradong may-ari ng sasakyan.
Dagdag pa ni Asec. Mendoza, inatasan ang driver na isuko ang kanyang lisensya sa lalong madaling panahon.
“Nakapaglabas na kami ng show cause order na nag-aatas sa rehistradong may-ari ng sasakyan at sa driver na humarap sa aming tanggapan upang magpaliwanag bilang bahagi ng aming imbestigasyon,” dagdag niya.
Batay sa ulat na natanggap ng LTO, isang itim na Ford Everest (DCB-3411) ang bumangga sa west departure curbside area bandang alas-8:00 ng umaga noong Linggo. Dalawa ang namatay sa insidente.
Hawak na ng mga awtoridad ang driver at ayon sa kanyang pahayag, paalis na sana siya sa departure area matapos ihatid ang pasahero nang biglang may dumaan na sedan sa kanyang harapan.
Dahil dito, nataranta siya at imbes na preno ang apakan, napindot niya ang silinyador. Dahil dito, dalawa ang nasawi at tatlo pa ang nasugatan.
Nagtungo si DOTr Secretary Dizon sa lugar upang tingnan ang kalagayan ng mga biktima at ipinahayag niyang ipapaubaya na niya sa kapulisan ang masusing pagsisiyasat.
Sinabi ni Asec. Mendoza na bagaman may naunang pahayag na ang driver, magsasagawa pa rin ang LTO ng hiwalay na imbestigasyon upang matukoy ang lahat ng detalye at mga dahilan ng trahedya.