Calendar

Lisensya ng driver ng truck sa ‘killer banggaan’ sa QC sinuspindi
SA utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na tugisin ang mga pasaway na motorista, sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng isang truck driver ng tatlong buwan matapos masangkot sa banggaan noong Miyerkules na nagresulta sa pagkasawi ng tatlo katao at pagkakasugat ng pitong iba pa.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, ang Isuzu tractor head (JAG 8962) ay isinailalim na rin sa alarm status habang iniimbestigahan ang aksidente.
Ang suspensyon ng lisensya at alarma ay nakasaad sa show cause order (SCO) na ipinadala sa rehistradong may-ari ng trak at sa driver.
“Sa ngalan ng mga kawani ng LTO, taos-puso akong nakikiramay sa pamilya ng mga nasawi. Tinitiyak kong magiging sentro ng atensyon ang imbestigasyon upang makamit ang hustisya para sa kanilang mga mahal sa buhay,” pahayag ni Asec. Mendoza.
Sa SCO na nilagdaan ni LTO Intelligence and Investigation Division (IID) Chief Renate Melitante, inatasan ang rehistradong may-ari ng truck na ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat patawan ng parusa.
Patay ang tatlong katao matapos ang pag-araro ng 18 wheeler truck sa limang sasakyan at ilang pedestrian sa Batasan-San Mateo Road sa Quezon City.
Naaresto naman ng mga kapulisan ang 38-anyos na driver ng truck.
Batay sa imbestigasyon ni PLt.Col. Geoffrey Lim, hepe ng Quezon City Police District Traffic Enforcement Unit (DTEU), nangyari ang insidente bandang alas 11:30 ng gabi habang binabagtas ng truck driver na si alyas Eruel ang Batasan-San Mateo Road sa nabanggit na lungsod.
Dead on the spot ang dalawang biktima habang idineklarang dead on arrival ang 49 anyos na rider. Pito naman ang agad na dinala sa Rosario Maclang Hospital at East Avenue Medical Center.
Ayon naman kay QCPD Officer in Charge PCol. Randy Glenn Silvio, kuha sa dashcam ng isang sasakyan ang mabilis na takbo ng truck hanggang sa tumagilid. Sinalpok ng truck head ang tatlong motorsiklo, isang sedan at isang AUV habang humiwalay naman ang container van.
Sa lakas ng impact, nahiwalay ang container van sa truck at tumilapon ng ilang metro bago humambalang sa gitna ng kalsada. Natumba rin ang poste ng ilaw, na naging sanhi ng mabigat na trapiko sa lugar, ilang oras bago ito naialis.
Sinabi ng truck driver na nawalan siya ng preno at hindi na niya makontrol ang manibela.
Ayon sa truck driver na nanggaling pa ng Maynila para mag-deliver sa Marikina, bigla umanong pumalya ang preno ng truck na bagong ayos pa lamang.
“Sa stop light, palusong eh bigla humina preno… hanggang sa wala na, hindi ko na makontrol. Dire-diretso na kaya no choice ako kaya yung manibela kung saan-saan na ho lumiko,” sabi ng truck driver.
Humingi ng tawad ang driver sa mga nadamay sa insidente.
Inihahanda na ang mga kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries, at multiple damage to properties na isasampa laban sa truck driver.