BIR

LOA idiniin na di dapat gawing sandata ng pananakot

183 Views

TIGILAN ang kultura ng korapsyon.” Ito ang mariing panawagan ni Senador Joseph Victor “JV” Ejercito sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa mga reklamo ng talamak na pangingikil at pang-aabuso sa loob ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Iginiit ni Ejercito na hindi na puwedeng balewalain ng Senado ang mga reklamo mula sa mga negosyante—lalo na mula sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs)—na ginagamit umano ng ilang kawani ng BIR ang Letters of Authority (LOAs) at Mission Orders (MOs) bilang kasangkapan ng panggigipit.

Ibinunyag niya ang isang kaso sa Maynila kung saan humingi umano ng ₱400,000 ang isang BIR examiner kapalit ng pagkakansela ng LOA. Nang tumanggi ang negosyante, agad itong pinatawan ng ₱13 milyon na buwis—kahit ₱12 milyon lamang ang gross sales ng negosyo. “Walang dokumento, walang basehan. Extortion ito, hindi audit,” giit ni Ejercito.

“Hindi lang negosyo ang naaapektuhan dito. Nawawalan ng tiwala ang publiko sa mismong sistema ng pagbubuwis,” dagdag niya.

Sumuporta si Senate President Vicente “Tito” Sotto at hinikayat ang BIR na maglunsad ng sistema para maberipika ng publiko ang mga LOA. “May system kayo sa loob para i-check ang LOA.

Bakit hindi gawing accessible para sa mga negosyante?” tanong ni Sotto. “Makakatulong ito para maiwasan ang harassment.”

Ayon naman kay Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino, ang MSMEs ang pinakamadaling puntiryahin. “Iyong maliliit na negosyante, sila iyong pinaka-natatakot kapag nilalapitan sila,” aniya.

Iminungkahi niyang alisin ang kapangyarihan ng mga regional office sa paglalabas ng LOA at palitan ito ng randomized audit system.

Iginiit ni Senador Erwin Tulfo na hindi dapat ginagamit ang LOA bilang sandata ng pananakot. Ayon sa datos ng BIR, 2% lang ng koleksyon ang galing sa audits, habang 98% ay mula sa kusang-loob na pagbabayad. “Kung ganoon, bakit kailangang gipitin pa ang mga nagbabayad?” tanong niya.

Suportado ni Senador Ping Lacson ang panawagan para sa centralized clearance system at internal investigation sa mga pekeng LOA. Ayon sa kanyang opisina, nais ni Lacson ng mas mahigpit na oversight sa pamamagitan ng batas.

Bilang tugon, inanunsyo ni BIR Commissioner Charlito Mendoza na sinuspinde na ang lahat ng field audits at lahat ng bagong LOA ay kailangan nang aprubahan ng central office. Bukas din umano siya sa panukalang digital verification system para sa publiko.

Inihahanda na ng Senado ang mga panukalang batas na magtatatag ng full LOA transparency system, centralized audit authority, at mabigat na parusa sa mga abusadong opisyal ng BIR. Inaasahan ang final report ng komite sa unang bahagi ng 2026.