Calendar
Logo, litrato ng DILG ginamit ng walang awtorisasyon
KINONDENA ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang hindi awtorisadong paggamit ng kanilang logo, litrato at iba pang materyales para sa mga post, patalastas at lahat ng mapanirang layunin.
Nakatanggap ng ulat ang kagawaran tungkol sa maling paggamit ng kanilang mga larawan ng isang mobile application na tinatawag na “PCSO Lotto Online Award” at kaugnay nitong Facebook Page na “Online Lotto.”
Ayon sa DILG, sinadyang ginamit ng naturang mobile application at Facebook page ang mga larawan mula sa isang kaganapan ng DILG upang i-promote ang isang online lottery application.
Tinukoy na ang mga larawang ito ay kuha mula sa “Seal of Good Local Governance (SGLG) 2024 Awarding Ceremony and SGLG Incentive Fund National Expo.”
Ang nasabing kaganapan naglalayong ipagdiwang ang kahusayan sa lokal na pamamahala at walang anumang kaugnayan sa anumang uri ng online lottery.
Binigyang-diin ng DILG na hindi nila pinahintulutan o binigyan ng anumang permiso ang naturang mobile application, Facebook page, o anumang organisasyon na gamitin ang kanilang mga materyales, lalo na para sa ganitong layunin.
Ang maling paggamit ng kanilang mga materyales malinaw na paglabag sa mga regulasyon ng gobyerno at nagdudulot ng kalituhan sa publiko.
Upang masolusyunan ang isyu, inatasan na ng DILG ang Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group na agad imbestigahan ang insidente.
Bukod dito, naiulat na rin ang hindi awtorisadong paggamit ng mga materyales sa META, ang kumpanya na may-ari ng Facebook, para sa karampatang aksyon.
Hinikayat din ng DILG ang publiko na maging mapagmatyag laban sa mga ganitong uri ng pananamantala.
Pinapayuhan ang lahat na agad ipagbigay-alam sa pinakamalapit na tanggapan ng DILG o PNP ang anumang kahina-hinalang aktibidad na gumagamit ng mga materyales ng ahensya ng walang pahintulot.