Calendar
Lola nasagip sa sunog sa Caloocan




SUGATAN ang 71-anyos na lola nang masagip sa nasusunog nilang bahay Biyernes ng gabi sa Caloocan City.
Nasa maayos ng kalagayan matapos malapatan ng lunas ang biktima habang pansamantala namang nanunuluyan sa Covered Court ng Barangay 177 Camarin ang tatlong pamilyang naapektuhan ng sunog.
Sa inisyal ng ulat ng Caloocan Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog sa residential area sa Swimming Pool St. Brgy. 177 dakong alas-8:25 ng gabi sa hindi pa batid na dahilan.
Apat na fire trucks ng BFP, ambulansiya at fire volunteers ang kaagad nakapagresponde sa lugar kaya’t mabilis na nakontrol ang sunog na umabot lamang sa unang alarma dakong alas-9:06 hanggang tuluyang maapula ng alas-9:29 ng gabi.
Hindi pa batid ang halaga ng napinsala sa naganap na sunog habang inatasan na ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang City Social Welfare and Development Department (CSWDD) na magpadala ng tulong at mga pangunahing pangangailangan sa mga nasunugan.

